May pinagkakautangan po ako na sunud-sunod ang pagpapadala sa akin ng mga mensahe sa Facebook at text na nagsasabing magbayad na raw ako ng utang ko. Walang tigil din po ang pagtawag niya sa cell phone at nagbabanta pa siya na ipapakulong ako sakaling hindi po ako makabayad sa katapusan ng buwan. Lahat po ng ito ay sa kabila ng pagpapaliwanag ko sa kanya na wala akong maibabayad sa ngayon dahil sa kasalukuyan ay wala akong sinasahod dahil apektado ng pandemia ang aming kompanya. Tama po ba ang harrasment na ginagawa niya at makukulong po ba talaga ako kung sakaling hindi ako makapagbayad sa ngayon ng utang ko? – Gerry
Dear Gerry,
Bagamat may obligasyon kang bayaran ang inutang mo at wala namang masama sa paniningil ng isang utang, kung sa tingin mo ay harrasment na ang ginagawa sa iyo ay maari mong ireklamo ng kasong unjust vexation ang nangungulit sa iyo. I-save mo ang screenshots ng texts at Facebook messages ng naniningil sa iyo. Tandaan mo rin ang petsa ng mga tawag niya sa iyo at kung ano ang mga sinabi niya upang maging pruweba na panggugulo na ang ginagawa sa iyo.
Kung hindi ka naman nanloko at kung hindi ka naman nag-isyu ng tseke sa naging transaksyon n’yo ay malabong makulong ka dahil sa utang mo. Walang maaring makulong dahil sa utang, bukod na lang kung may ginawang panloloko o nag-isyu ng tumalbog na tseke ang umutang.
Hindi naman ibig sabihin ng lahat ng ito ay hindi ka na maaring pananagutin sa korte ng inutangan mo. Maari ka pa rin niyang sampahan ng kasong sibil upang mabawi ang halagang hiniram mo." - https://www.affordablecebu.com/