Nakagat po ng aso ng kapitbahay namin ang anak ko. Nakatakbo kasi sa labas ng bahay nila ang kanilang aso na walang tali. Mahilig ang 9 years old kong anak na nagla-laro noon sa kalsada sa mga hayop kaya agad itong lumapit sa aso. Hindi pala sanay ang aso ng kapitbahay namin na nilalapitan ng ibang tao kaya agad nitong nakagat ang aking anak sa braso. Nang puntahan ko ang aking kapitbahay ay sila pa ang nanisi sa aking anak sa nangyari. Kung hindi raw kasi lumapit ang aking anak ay hindi naman siya makakagat ng aso nila. Wala po ba talaga kaming habol sa nangyari at tanging kasalanan lang ng anak ko ang nangyari?
Anna
Dear Anna,
Malinaw sa Article 2183 ng Civil Code na mananagot ang may-ari ng isang alagang hayop sa anumang pinsalang idudulot nito, puwera na lang kung ang pinsala ay dulot din ng force majeure o kung ito ay kagagawan din ng indibidwal na siyang nagtamo ng pinsala.
Nakasaad din sa RA 9482 o Anti-Rabies Act of 2007 na responsibilidad ng may-ari ng aso na itali ang kanyang alaga. Kailangan din niyang panagutan ang gastos sa pagpapaospital sakaling makagat nito ang ibang tao.
Base sa mga probisyon na ito, malinaw na mananagot ang may-ari sa pangangagat ng kanyang aso. Ang tanong na lang ay kung may kasalanan ba ang iyong anak sa ginawa niyang paglapit sa aso. Maaring isyu rin kung may naging pagkukulang ka ba sa pag-aalaga sa iyong anak kaya nagawa nitong makalapit sa aso.
Sa tingin ko, wala namang contributory negligence o kapabayaan na maaring isisi sa iyo o sa iyong anak dahil normal lang naman sa mga bata ang maglaro sa lansangan at ang mahumaling sa mga alagang hayop. Para sa akin ay nasa may-ari ng aso ang lahat ng pananagutan sa nangyari dahil sa hindi niya pagtatali sa kanyang alaga.
Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad na legal advice rito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon. Mas mainam pa rin na kayo ay personal na kumunsulta sa isang abogado para sa inyong mga problemang legal." - https://www.affordablecebu.com/