Ipinakilala ko po ang kaibigan ko sa officemate ko na dati ko ng inuutangan. Sinabi ko po sa officemate na nagbabayad naman po ang kaibigan ko at hindi naman siya tatakbuhan nito ngunit ngayon po ay hindi na makapaghulog ang kaibigan ko dahil nawalan siya ng trabaho. Kaya noong isang araw ay sinabihan ako ng officemate ko na ako raw ang hahabulin niya sakali ngang hindi na makapagbayad ang aking kaibigan dahil ako naman raw ang nagkumbinsi sa kanya na magpautang sa kaibigan ko.
Tama po ba iyon? Maari ba niya talaga akong habulin dahil lang ipinakilala ko ang kaibigan ko sa kanya? —Tess
Dear Tess,
Nakasaad sa Article 1403 (2) ang tinatawag na Statute of Frauds kung saan nakalista ang mga kontrata o kasunduan na kailangang nakasulat upang sila ay maipatupad. Ito ay para maiwasan ang panloloko o pagsisinungaling, na malaki ang posibilidad kung ala-ala lamang ng mga partido ang aasahan sa pagpapatupad ng kontratang kanilang napagkasunuduan.
Kabilang sa nasabing Statute of Frauds ang mga kasunduan kung saan inaako ng isang indibidwal ang utang ng iba sakaling ito’y hindi mabayaran. Kasama rin sa listahan ang mga kasunduang ukol sa representasyon sa kakayahang magbayad ng utang ng ibang tao.
Base sa nabanggit, malabong mapanagot ka ng iyong officemate para sa utang ng iyong kaibigan kung wala ka namang pinipirmahang kontrata tungkol sa pag-ako ng utang ng kaibigan mo sakaling hindi siya makabayad o ng anumang kasulatan kung saan pinatotohanan mo ang kakayahan niyang magbayad ng utang. Alinsunod sa Statute of Frauds, kailangang nakasulat ang mga iyan upang ikaw ay mapanagot ng iyong officemate ukol sa pagkakautang ng iyong kaibigan." - https://www.affordablecebu.com/