Nakatakda po sana akong ikasal ngayong Hunyo ngunit dahil po sa ipinatutupad na community quarantine, minarapat naming ipagpaliban na lamang ito. Dahil po sa aming napagpasyahan, tinawagan po namin ang kinuhang catering service upang kanselahin na ang aming napagkasunduan at hiniling po namin na sana ay ma-refund ang aming downpayment. Hindi sila pumayag na ibalik ang downpayment dahil nakasaad daw sa kontrata na non-refundable ang downpayment. Tama po ba sila? Nabasa ko po sa balita na maaring hingin ang refund sa mga ganitong transaksyon dahil sa “force majeure”, tama po ba ito? –Andy
Dear Andy,
Kailan ninyo pinirmahan ang kontrata?
Kung ang kontrata kasi ay pinirmahan n’yo bago ipinatupad ang iba’t ibang community quarantine dito sa ating bansa, papasok ang konsepto ng force majeure sa pagtupad ninyo sa inyong mga obligasyon.
Basahin mo kung may probisyon bang nakasaad na tumutukoy sa “force majeure,” “acts of god,” o iba pang katulad na kataga at tingnan mo kung ano ang epekto nito sa pagtupad sa mga obligasyong nakasaad sa kontrata.
Ang force majeure ay iyong mga kaganapan na hindi inaasahan o kung inaasahan man ay hindi mapipigilan, katulad ng nangyayaring pandemya na hindi naman inaasahang magdudulot ng malawakang pagkaantala sa takbo ng ating lipunan.
Kung may nakasaad ukol sa force majeure at nakalagay na maaring makaiwas ang partido sa pagtupad ng kanyang obligasyon dahil dito ay maaring may karapatan ka na hingin ang refund. Kung nakasaad naman na hindi makakaiwas ang mga partido kahit pa may mangyaring force majeure ay malabo mo nang makuha ang ibinigay mong downpayment.
Kung ang kontrata naman ay pinirmahan niyo matapos ipatupad ang community quarantine dito sa ating bansa ay hindi ka na maaring magdahilan ng force majeure base sa nangyayaring pandemya ngayon.
Hindi na kasi masasabing hindi n’yo inaasahan ang pagpapatupad ng community quarantine na maaring makaapekto sa gaganapin niyong kasal kaya alam n’yo na dapat, noong kayo’y nagpirmahan pa lang ng kontrata, ang malaking posibilidad na makakansela ang inyong mga plano dahil dito." - https://www.affordablecebu.com/