Layunin ng pagdiriwang ang mga sumusunod:
- maisakatuparan ang mga tungkulin ng KWF ayon sa itinakda ng Seksiyon XIV, Letrang L ng Batas Republika 7104;
- mapalakas lo ang wikang Filipino bilang Wikang pambansa at Wikang panlahat para sa lakas at tatag ng sambayanang Pilipino;
- magunita ang kasaysayan ng wikang pambansa sa ika-75 taon mula nang ipahayag ang Tagalog bilang batayang wika;
- maganyak ang mamamayang Pilipino na makilahok sa Timpalak sa Pagsulat ng Sanaysay sa Filipino; at
- lalong pasiglahin ang mga paaralan sa pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.
Hinati sa limang (5) paksa ang isang buwang pagdiriwang:
Petsa | Paksa |
Agosto 1-7 | Pitumpu't limang taon sa Pagsulong ng Wikang Filipino sa Edukasyong Pilipino |
Agosto 8-14 | Filipino at iba pang mga Wika sa Pilipinas: Lakas ng K to 12 at MTB-MLE |
Agosto 15-21 | Wikang Filipino at iba pang Wika sa Rehiyon: Wika ng Bayan sa Kapayapaan |
Agosto 22-28 | Wikang Filipino: Wikang Panlahat para sa Matatag na Lipunang Pilipino |
Agosto 29-31 | Wika ay Kakambal ng Kapayapaan sa Pagtahak sa Tuwid na Landas |
Kalakip nito ang Mungkahing Palatuntunan ng mga Gawain para sa isang buwang pagdiriwang.
Hinihiling ang maaga at malawakang pagpapalaganap ng Memorandum na ito.
BUWAN NG WIKANG PAMBANSA 2012
Agosto 1-7 Pitumpu't Limang (75) Taon sa Pagsusulong ng Wikang Filipino sa Edukasyong Pilipino
- Pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng wika
- Pagdaraos ng talakayan hinggil sa isyu ng pagpapaunlad ng wikang Filipino
- Pagsasagawa ng eksibit na ang tema ay nauukol sa kasaysayan ng wikang Filipino mula nang ipahayag ang Tagalog bilang batayan ng pambansang wika.
- Pagpapagamit ng wikang Filipino sa mga komunikasyon at korespondensiyang opisyal at iba pang disiplina.
- Pagtalakay na ang wikang Filipino ang pangunahing daluyang ng pagsasalita, pagbasa at pagsulat
Agosto 8-14 Filipino at iba pang mga Wika sa Pilipinas: Lakas ng K to 12 at MTB-MLE
- Pagtalakay ng wikang Filipino at iba pang mga wika bilang wika sa binagong kurikulum sa edukasyon (MTB-MLE)
- Pagpapalakas ng paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo alinsunod sa kurikulum ng K to 12.
- Pagdaraos ng mga debate sa paksang "Nakatutulong ang Wikang Katutubo sa Pagpapaunlad ng Wikang Filipino".
- Pagpapasulat ng maiikling sanaysay kaugnay ng pagdiriwang ng buwan ng wikang pambansa sa antas elementarya at sekondarya.
- Paghahanda ng slogan na may kaugnayan sa paksa, para sa lalo pang pagpapasigla ng pagdiriwang.
Agosto 15-21 Wikang Filipino at iba pang Wika sa Rehiyon: Wika ng Bayan sa Kapayapaan
- Pagsasapuso ng pag-awit ng "Lupang Hiniring"
- Pagsasapuso ng Panatang Makabayan
- Pagsasapuso ng mga awiting bayan bilang bahagi ng programa sa pagdiriwang
- Pagtataguyod ng kumperensiya na ang pokus ay paggamit ng wika para sa pagpapalutang ng identidad ng pagka-Pilipino.
- Paggawa ng poster para sa kabansaan na nagsusulong ng isang wikang matibay na nagbibigkis ng bayang maunlad
Agosto 22-28 Wikang Filipino, Wikang Panlahat para sa Matatag na Lipunang Pilipino
- Pagtatanghal ng masining na dula-dulaan, tula at talumpatian para sa pagpapatatag ng edukasyon at kultura at nagpapahalaga sa sariling pag-iisip, dangal at marangal na adhikain bilang malayang bansa.
- Pagpapalakas ng paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo
- Pagpapagamit ng wikang Filipino sa mga talakayan sa loob at labas ng silid aralan
- Pagbuo ng programa sa wika na magpapakita ng matatag na lipunan.
- Pagtatanghal ng programa na sa kabuuan ay para sa kapakanang pang-edukasyon at pangkultura.
Agosto 29-31 Wika ay Kakambal ng Kapayapaan sa Pagtahak sa Tuwid na Daan
- Pagtataguyod ng pampaaralang timpalak sa pag-aayos ng mga silid-aralan na nagtatanghal ng isang buwang pagpapahalaga sa wikang pambansa.
- Pagtatanghal ng masining na timpalak sa pagbigkas na ang paksa ay ang paggamit ng wika sa pagtahak sa tuwid na landas.
- Pagdaraos ng palatuntunan na nagtatanghal ng wika bilang kakambal ng kapayapaan sa pagtahak sa tuwid na landas.