Home » Articles » Communication / Speech

Kasaysayan ng Wikang Pambansa (Filipino)

Sa pagbabasa mo ng kasaysayan ng ating Wikang Pambansa (Filipino), mas madali mong maintindihan kung itinatanong mo sa iyong sarili ang mga ito:
  • Saan mababasa ang tadhana ukol sa pagkakaroon ng Wikang Pambansa?
  • Paano nabigyang katuparan ang nasabing tadhana?
  • Sinu-sino ang bumuo ng unang Surian ng Wikang Pambansa?
  • Bakit binago ang petsa ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika?
  • Ilang yunit ng Filipino ang dapat na makuha ng isang mag-aaral bago makatapos ng isang kurso?
Maraming panahon ang lumipas bago nakamit ng Pilipino ang kalayaan. Ang mga taong naninirahan sa Pilipinas ay iba't ibang wika ang ginagamit kaya ang mga mamamayan noon ay hindi gaanong nagkakaunawaan. Malimit noon ang magkaroon ng alitan, inggitan, samaan ng loob at iba pang kaguluhan bunga ng di pagkakaunawaan.
Kasaysayan ng Wikang Pambansa (Filipino)

Nagdatingan ang mga dayuhan, iba't ibang lahi tulad ng mga Malayo, Indones, Intsik, tag-Indiya at Arabia sa ating bansa upang makipagkalakalan. Dumating at umalis ang mga dayuhan, itinuro ang kani-kanilang gawi at wika ngunit hindi pa rin nalutas ang mga suliraning dati na sa bansa. Sa malas ay lalo pang lumubha at lumawak ang di pagkakaunawaan ng mga mamamayang Pilipino.

Lumipas ang marami pang taon, patuloy ang pagdating ng maraming dayuhang ang unang layunin ay makipagkalakalaan lamang ngunit sa dakong huli ay naging mapaghangad at tayo'y sinakop at ipinailalim sa kanilang pamahalaan at itinuring na parang mga alipin. Subalit dahil sa ang mga Pilipino ay likas na matatapang at may likas na paninindigan sa karapatan, ang mga ito ay hindi natakot makipaglaban sa mga dayuhan. Nabuhay sa kanila ang damdaming makabayan.

Hindi sana tatagal ng mahigit na tatlong daan at tatlumpung taon ang ating pagkasakop o pagkapailalim sa kapangyarihan ng mga Kastila kung noon pa ay mayroon na tayong isang malawak na wikang nauunawaan ng nakararaming Pilipino.

Nang mapasailalim ng kapangyarihan ng mga Amerikano ang Pilipinas, napansin ng mga Pilipino ang malaking kaibahan ng pagbibigay ng edukasyon sa ilalim ng Kastila at ng mga Amerikano. Sa panahon ng Kastila, nanatiling mangmang ang mga Pilipino sapagkat ipinagkait sa mamamayan ng Pilipinas ang wikang Kastila ayon sa pag-aaral ni Ernesto J. Frei (The Historical Development of the Philippine National Language). Sa panahon ng Amerikano, sadyang itinuro ang wikang Ingles at sadya rin malaki ang kaibhan ng pagtuturo sapagkat ito ay sapilitan. Para sa mga Amerikano, mas madali silang mauunawaan ng mga Pilipino kung ang mga ito ay nagsipag-aral.

Bilang bahagi ng marahan at maingat na paraan ng pagbibigay-kalayaan sa Pilipinas, nagkaroon ng kombensyong pangkonstitusyonal noong taong 1934 at natapos at napagtibay ito nang sumunod na taon o 1935. Ang unang konstitusyon ay nagtadhana ng ganito ukol sa wika:

Artikulo XIV, Seksyon 3 ng Unang Konstitusyon, Serye 1935

"Ang kongreso ay gagawa ng mga hakbang tungo sa paglinang at pagbuo ng isang Wikang Pambansang batay sa isa mga umiiral na mga katutubong wika..."

Dahil sa malaking pagpapahalaga sa pagkakaroon ng Wikang Pambansa ng Pangulong Manuel Luis Quezon, nang magbigay siya ng mensahe sa unang pulong ng Asembleya ng Pilipinas noong Oktobre 27, 1936, inirekomenda ang pagtatatag ng isang Surian ng Wikang Pambansa na siyang mag-aaral ng mga diyalekto sa Pilipinas upang luminang at bumuo ng isang Wikang Pambansang batay sa isa sa mga ito.

Dahil sa kahilingan ng Pangulong Quezon, ang Asembleya ng Pilipinas ay lumikha ng isang batas na nakilala sa tawag na Batas Komonwelt Blg. 184, Serye 1936. Ito'y isang batas na lumilikha ng Surian ng Wikang Pambansa at nagtatakda ng kapangyarihan nito pati na ng mga tungkulin sa isang ispesyal na sesyon, noong Nobiyembre 13, 1936.

Nagsimula na ang puspusang pagsasakatuparan ng mga hakbangin tungo sa pagkakaroon ng Wikang Pambansa. Kaya noong Enero 12, 1937, bilang pag-alinsunod sa itinakda ng batas, hinirang ng Pangulong Quezon si Jaime C. de Veyra bilang Patnugot ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP).

Narito ang mga bumuo sa unang Surian ng Wikang Pambansa pati ang wikang kinatawan:

Patnugot: Jaime C. de Veyra (Samar-Leyte) - tagapagtatag ng Wikang Pambansa (Agosto 13-19, 1955)
Kalihim: Cecilio Lopez (Tagalog)
Mga Kagawad:

  • Santiago Fonacier (Ilokano)
  • Filemon Sotto (Cebuano) - nagdimite
  • Casimiro Perfecto (Bicol)
  • Felix Salas Rodriguez (Hiligaynon)
  • Hadji Butu (Tausug)
Hindi pa nagsisimula ng gawain ang bumuo ng Surian, ay namatay si Hadji Butu at nagdimite naman si Filemon Sotto dahil sa pagkakaroon ng kapansanan. Muling humirang ang Pangulong Quezon ng kapalit at karagdagang kagawad. Ang mga ito'y ang sumusunod:
  • Zoilo Hilario (Kapampangan)
  • Jose L. Zulueta (Pangasinan)
  • Lope K. Santos (Tagalog) - Ama ng Balarilang Filipino
  • Isidro Abad (Cebuano)
May walong (8) wikang pinagbabatayan ang ginagawang pagsusuri sa mga piling diyalekto ng Pilipinas:
  1. Tagalog
  2. Waray
  3. Kapampangan
  4. Hiligaynon
  5. Pangasinense
  6. Bicolano
  7. Cebuano
  8. Ilokano
Ang unang komposisyon ng mga bumuo ng Surian ng Wikang Pambansa ay ayon sa tadhana ng Seksyon 1, Batas ng Komonwelt bilang 184.

Bunga ng ginawang pag-aaral, at pag-alinsunod sa tadhana ng Batas ng Komonwelt Blg. 184, ang Surian ng Wikang Pambansa ay nagpatibay ng isang resolusyon na nagpapahayag na ang Tagalog ang "siyang halos lubos na nakatugon sa mga hinihingi ng Batas Komonwelt Blg. 184", kaya't itinagubilin nito noon Nobiyember 9, 1937 sa Pangulo ng Pilipinas na iyon ay pagtibayin bilang saligan ng Wikang Pambansa. Noong Disyembre 30, 1937, sa pamamagitan ng Kautusang Tagapaganap Blg. 134, Serye 1937, ipinahayag ng Pangulong Quezon na ang Wikang Pambansa ay batay sa Tagalog.

Sa pamamagitan ng Kautusang Tagapaganap Blg. 263, noong Abril 1, 1940, ay binibigyang pahintulot ang pagpapalimbag ng isang Diksiyunaryo at isang Gramatika ng Wikang Pambansa at itinakdang mula sa Hunyo 19,1940, ay pasisimulan nang ituro ang Wikang Pambansa ng Pilipinas sa lahat ng paaralang bayan at pribado sa buong bansa. Inatasan din ang Kalihim  ng Pagtuturong Pambayan ng maglagda, kalakip ang papapatibay ng Pangulo ng Pilipinas, ng mga kinakailangang tuntunin at patakaran sa pagpapatupad ng kautusang ito.

​Noong Hunyo 7, 1940, pinagtibay ang Batas Komonwelt Blg. 570, na nagtatadhana, bukod sa iba pa, na ang Pambansang Wikang Pilipino ay magiging isa na sa wikang opisyal ng Pilipinas simula sa Hulyo 4, 1946.

Nilagdaan ng Pangulong Ramon Magsaysay ang Proklama Blg. 12 na nagpapahayag ng pagdiriwang ng Linggo ng Wikang Pambansa simula sa Marso 29 hanggang Abril 4 taun taon, sang-ayon sa tagubilin ng Surian ng Wikang Pambansa. Napapaloob sa panahong saklaw ng pagdiriwang ang Araw ni Balagtas (Abril 2).

Setyembre 23,1955, nilagdaan ng Pangulong Magsaysay ang Proklama Blg. 186 na nagsususog sa Proklama Blg. 12 serye 1954, na sa pamamagitan nito'y inililipat ang panahon ng pagdiriwang ng Linggo ng Wikang Pambansa taun-taon simula sa ika-13 hanggang ika-19 ng Agosto, 1955.

Noong Agosto 13, 1959, nagpalabas ang Kalihim Jose E. Romero ng Kagawaran ng Edukasyon ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 7, na nagsasaad na kailanma't tutukuyin ang Wikang Pambansa, ang sailtang Pilipino ay siyang gagamitin.

Nilagdaan ng Kalihim Juan L. Manuel ng Kagawaran ng Edukasyon at Kultura noong Hunyo 19, 1974 ang Kautusang Pangkagawaran Blg. 25, na nagtatakda ng mga panuntunan sa pagpapatupad ng patakarang edukasyon bilinggwal sa mga paaralan na magsisimula sa taong-aralan 1974-1975.

Sa pamamagitan ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 22, s. 1978, ay naging sapilitan ang pagtuturo ng Pilipino sa lahat ng kurso sa dalubhasaan. Ang sinumang hindi nakakuha ng anim na yunit ng Pilipino ay hindi makatatapos ng kurso.
Ipinag-utos din ang paggawa ng aklat sa Pilipino para sa dalubhasaan dahil sa kakulangan ng mga aklat. Ang kautusan ukol sa sapilitang pagkuha ng Pilipino sa dalubhasaan ay muling nabago. Noong 1997 ay dinagdagan pa ng tatlong yunit ang dating anim na yunit kaya't naging siyam na sa kasalukuyan ang dapat na matapos na yunit sa Pilipino bago makatapos ng kurso.

Ngayon, ang lahat ng mga mag-aaral maging dayuhan ay kailangang may siyam na yunit ng Pilipino sa kolehiyo para makatapos ng kurso nila. Kaya ngayon, ang lahat ay nag-aaral ng Filipino.

Nabanggit sa itaas na ang asignaturang Pilipino ay hindi na tatawaging ganito sa halip ay Filipino batay sa Kautusang Pangkagawaran Blg. 81, s. 1987, ang kautusan ukol sa binagong ortograpiyang Pilipino. - https://www.affordablecebu.com/
 

Please support us in writing articles like this by sharing this post

Share this post to your Facebook, Twitter, Blog, or any social media site. In this way, we will be motivated to write articles you like.

--- NOTICE ---
If you want to use this article or any of the content of this website, please credit our website (www.affordablecebu.com) and mention the source link (URL) of the content, images, videos or other media of our website.

"Kasaysayan ng Wikang Pambansa (Filipino)" was written by Mary under the Communication / Speech category. It has been read 51971 times and generated 3 comments. The article was created on and updated on 06 August 2016.
Total comments : 3
Ufofzt [Entry]

buy lipitor 40mg generic <a href="https://lipiws.top/">lipitor 80mg brand</a> buy lipitor paypal
Vierra Ilagan [Entry]

Hello. I'm doing a research on the history of the national language. How can I cite this article using APA style? Thank you!
Guest [Entry]