Anak ka ng Ina Mo...
Nanginginig na ang kaniyang mga pasmadong daliri.
Tila giniginaw ang mga kamay.
Mga kamay na umaakay sa iyo noong mga unang araw ng iyong pagtuntong sa eskwela.
Mga kamay na pinagkukunan mo ng isang libo’t isang lakas upang mabuhay.
Nakakurba na ang kaniyang tindig.
Tila kawayang nakayuko ang kanyang likod.
Mga likod na natutuyuan ng pawis sa paglalabada upang may mailaman ka sa iyong kumakalam na sikmura.
Nakakunot na ang noo niya kapag tumitingin sa iyo.
Parang laging may inaaninag ang mga mata.
Mga matang laging nakatingin sa iyo habang ikaw ay natutulog sa banig.
Mga matang nagmamasid at nagbabantay sa iyo mula pagsilang hanggang sa iyong paglaki.
Mahina na ang kaniyang pandinig.
Parang baradong lababo ang kaniyang mga tainga.
Mga taingang dumirinig sa iyong pagngawa kung inaagrabiyado ng iyong mga kalaro.
Mga taingang handang makinig sa iyong mga daing dahil sa kabiguan.
Mabagal na ang kaniyang paghakbang.
Sa wari’y binibilang ng mga binti at paa ang bawat minutong lumilipas.
Mga binti at paang ginagamit niya upang masaklolohan ka sa mga panganib na sinusuong mo noong iyong kabataan.
Mga binti at paang inaasahan niya upang makaraos kayo sa araw-araw.
Kulubot na ang kaniyang balat.
Parang chicharong bulaklak sa platong losa ang kabuuan ng kanyang mukha.
Mukha na pilit niyang pinakapal upang lumapit at umutang sa kaniyang mga kaibigan at kakilala sa panahong ang enrolment ay malapit na.
Mukhang pinakakapal ng katwirang gagawin ang lahat para sa iyo.
Luyloy na ang kaniyang mga dibdib.
Nilipasan na ng panahon ang kaniyang mga suso.
Mga susong dati’y pinagkukunan mo ng matimyas na kalusugan.
Mga susong nagbigay sa iyo ng lakas at tibay ng katawan sa pagsagupa sa mga karamdaman.
Binura na ng kulay puti ang mga itim sa kaniyang tuktok.
Tila abo ang kulay ng kaniyang buhok.
Mga buhok na malasutlang hinahawakan mo kapag ikaw ay kanyang pinatutulog.
Mga buhok na sagisag ng mga taon at panahong ginugol niya sa pag-aaruga at pagkalinga sa iyo.
Mahina na ang kanyang boses.
Tila garalgal ng radyong walang signal ang kanyang tinig.
Mga tinig na pinagbuhatan ng maraming magagandang aral ng buhay na ibig niyang maging gabay mo sa iyong pagkatao.
Tinig na puno ng pangaral na magagamit mo sa iyong pagtahak sa sariling lakbayin sa daigdig.
Lupasay ang kanyang katawang mortal.
Sa iyo napunta ang kanyang lakas.
Sapagkat pinagpala ka niya.
Nagtingala siya ngayon sa iyo…. patuloy kang inaaruga at matiyagang naghihitay….
Sapagkat siya sa kanyang pagiging ina…. ay marubdob na nagnanais na matapunan din ng kahit kaunting pagkalinga…
Mahalin natin ang ating mga ina! - https://www.affordablecebu.com/