Sanaysay Tungkol sa mga Guro (3rd)
Ang mga guro ang nagtuturo sa mga mag-aaral ng mga kaalaman na dapat nilang matutunan sa paaralan. Sila ang naghuhubog sa mga natatanging kakayahan at talento ng isang kabataan at sila rin ang nagsisilbi nilang pangalawang magulang na nagbibigay at nagpapayabong ng kanilang mga kaalaman upang maging handa sa mga hamon at pagsubok na kanilang pagdadaanan sa hinaharap. Bilang isang guro, responsibilidad nila ang bigyan at magbahagi ng angkop at sapat na kaalaman sa mga mag-aaral, nararapat nating turuan ng mga kaalaman na dapat nilang matutunan lalong lalo na ang kasanayan sa pagbasa at pagsulat. Hindi lang tungkol sa akademiks ang dapat ituro ng mga guro, gayundin ang kagandahan at kabutihang asal na dapat nilang taglayin bilang isang tao, dapat nilang matutunan ang mabuting pag-uugali na maari nilang madala habang sila ay lumalaki hindi lang sa loob ng paaralan kundi pati na rin sa labas nito.
Sa loob ng paaralan, ang mga guro ang nangangalaga sa mga mag-aaral tulad ng pag-aalaga ng isang magulang sa kanyang mga anak. Pinangangalagaan hindi lang sa intelektuwal na pagkalinang kundi maging ang ibang kapakanan ng mag-aaral sa aspektong emosyonal, sosyal, moral-ispiritual at pisikal man. Hindi pa rin maiiwasan ng guro ang pagiging tagapayo at tagapatnubay ng mag-aaral upang matulungan ang mga mag-aaral sa paglutas ng kanilang suliranin. Malaking bagay na sa mga mag-aaral na may mga guro silang handang makinig ng kanilang suliranin.
Kaya't napakalaki ng kontribusyon ng mga guro sa lipunan dahil sila ang naghahanda sa mga kabataan tungo sa kanilang mga hinaharap upang pagdating ng panahon sila ang magsilbi at maging katulong sa pagpapaunlad ng lipunan. - https://www.affordablecebu.com/