Home » Articles » Schools / Universities

Sanaysay Tungkol sa mga Guro (1st)

Narito ang isang sanaysay (essay) tungkol sa mga guro na pinamagatang "Ang Mga Guro"
Sanaysay tungkol sa mga Guro

Ang Mga Guro

sinulat ni Wilkins Dableo

Alam natin na isang dakilang propesyon ang pagtuturo bagamat alam nating mahirap ang pagtuturo.

Hindi biro ang ginagawang sakripisyo lalo na kung naatasan sa mga liblib na lugar para magturo at gumabay sa mga kabataang nais matuto.

Itinuturing nating bayani ang isang tao kapag iniaalay nito ang kanyang buhay para sa ikauunlad at para sa kalayaan ng bayan.

Halimbawa si Dr. Jose P. Rizal ibinuwis niya kanyang buhay para sa kalayaan ng ating bansa.
 
Kaya minsan napapaisip tayo kung sinu-sino ang mga taong maaaring ituring rin nating mga bayani?

Siguro para sa ating mga Pilipino ang isa sa mga itinuturing nating mga bayani ay ang mga taong nagtuturo sa atin gaya halimbawa ng mga guro sa paaralan.
 
Napagtanto ba natin kung walang guro sa ating bayan? Maaring masabi nating lahat, kung wala ang mga guro, wala rin ang mga doktor, enhinyero, abugado, nars, pulis, sundalo at iba pa.

Kaya masasabi rin natin na sila ang haligi o pundasyon ng ating komunidad.
 
Marahil marami sa atin ang nagtatanong kung bakit nagsasakripisyo ang ilan sa ating mga guro.

Marami sa kanila ang maaga pang gumigising at kahit inaantok pa ay tinitiis na lang nila para makapasok sa paaralan, at ito na rin ang itinuturing nilang pangalawang tahanan.
 
Sila na rin ang siyang tumatayo bilang pangalawang magulang sa paaralan na handang magmalasakit para sa atin.

Sa murang edad palang ay tinuturuan na tayo mula sa pagsusulat ng mga letra, at numero hanggang sa pagbabasa.

Kaya mula sa ating pagtungtong sa elementarya hanggang sa kolehiyo, sila na ang walang-sawang nagtuturo sa atin.
 
Sila ang kasama at karamay natin lalo na kapag tayo ay may problema, at suliranin patungkol sa ating pag-aaral.

Hinihimok nila tayo na magsumikap sa pag-aaral upang magkaroon tayo ng magandang kinabukasan sa hinaharap.

Kaya ang mga guro rin ang isa sa mga susi ng pagtatagumpay sa ating buhay.
 
Sila rin ay nagsusumikap na makapagturo ng mas mataas na uri na kalidad na edukasyon. Kaya hindi sila nanghihinayang na ibahagi rin ang kanilang mga nalalaman.
 
Sa kanila ating natutunan ang mga iba’t-ibang uri ng mga asignatura katulad ng Filipino, Matematika, Sensya,  at Edukasyong Pagpapahalaga, at marami pang iba.
 
Sila ang siya ring nagbibigay sagot sa ating mga katanungan, at nagsisilbing magandang modelo sa lahat ng kanilang nasasakupan.

Tayo ay kanilang sinasagip mula sa mga masasamang impluwensiya ng barkada sa pamamagitan ng pagtuturo nila ng mga magagandang-asal sa atin.
 
Sa oras ng problema sila rin ang sakdalan, takbbuhan ng mga estudyante para makahingi ng lakas ng loob para mapagtagumpayan ang mga suliranin. Higit pa riyan, sila ang nagbibigay inspirasyon upang ipagpatuloy natin ang ating pag-aaral.
 
Sila rin ang siyang bumubuo ng ating pagkatao bilang mga mag-aaral. Hinuhubog nila tayo sa pamamagitan ng pagbibigay ng takdang-aralin, pagsusulit at proyekto.

Siguro para sa iba ito’y tinatanggap bilang negatibo pero sa isang estudyante na nagsusumikap na magkaroon ng karunungan ito’y tinatanggap bilang positibo.

Sila ang nagbibigay ng bawat butil ng kaalaman na ating magagamit sa pagharap sa hamon ng buhay.

Ang pagiging isang guro ay hindi ganoon kadali gaya ng iniisip ng karamihan.

Ang mga guro natin ang siyang nagpupuyat sa gabi upang mag-ayos ng mga grado at maghanda ng mga aralin upang ituro sa mga estudyante.

Buong lakas, buong sigla, at buong tapang silang pumapasok sa paaralan para tayo ay turuan ng mga iba’t-ibang uri ng kaalaman.

Hindi nila inaalintana ang hirap ng paglalakbay na kung minsan ay kailangang tumawid sa mga ilog, sapa, o di kaya’y sa dagat lalo na sa mga naatasan sa mga liblib na dako o lugar. Sila ang mga taong handang magturo umulan man o umaraw.

Hindi rin nila alintana ang pagod, puyat, at maging ang sakit ng lalamunan para lang tayo ay maturuan, at mabigyan ng sapat na kaalaman para sa ating kinabukasan.

May mga pagkakataon rin na nagiging masungit ang mga guro lalo na kapag ang isang estudyante ay makulit, at maingay sa klase. Kaya kung minsan napagsasabihan nila ang mga ito na tumahimik, at makinig na lamang sa klase.

Sila ang mga taong pilit na hinahabaan ang pasensya at patuloy na inuunawa ang ating kakulitan, at kakulangan bilang isang mag-aaral.

Sinasabi ng ilan sa atin na ang pagiging isang guro ay isang bokasyon, kung saan ika’y maglilingkod ng buong puso, at buong tapat sa bayan.

Hindi inaalintana kung mataas o mababa man ang tinatanggap na sahod. Wala silang hinihinging kapalit sa kanilang tunay na serbisyo.

Para sa kanila, mapaglingkuran lang ang ating bayan ay sapat na sa kanila.
 
Iniisip marahil natin na para bagang sila ang nagpapahirap sa atin gawa ng mga binibigay nilang mga proyekto, takdang aralin, at pagsusulit.

Pero kung ating uunawain kung bakit binibigyan tayo ng mga ganitong obligasyon ay upang tayo ay mahasa, at maging dalubhasa sa mga kaalamang ibinahagi nila sa atin. At nang sa gayun ay mapabuti ang ating kinabukasan.

Kaya ganoon na lamang ang kanilang pagmamalasakit para sa atin. Kaya naniniwala sila sa ating kakayahan na kaya rin nating magkaroon ng magandang edukasyon sa hinaharap.

Ang ating mga guro ang siyang tunay na bayani. Kaya dapat din silang pasalamatan sa kanilang kabutihan sa atin. Wala naman tayong maisusukli sa kanilang kagandahang-loob kundi ang sila ay pahalagahan, at sundin.

Kaya bilib tayo sa kanilang katangian at dedikasyon para tayo ay maturuan.

Kaya ikinararangal natin ang bawat guro na walang sawang naglilinkod sa bayan para itulak ang mga mag-aaral sa pagsusumikap sa pag-aaral tungo sa kaunlaran ng ating bayan.

Kaya lubos nating ipinagpapasalamat sa Panginoon na may dakila tayong mga guro na handang magsakripisyo para sa bawat isa. Kaya maraming dahilan para ituring natin sila bilang mga bayani.

Buong pusong naglilingkod sila sa ating mga kabataan. Dahil naniniwala sila na tayo ang pag-asa ng bayan.

Naglilingkod sila hindi para sa kanilang sariling kapakanan kundi para sa ikabubuti ng ating bayan, at para sa ating kinabukasan. - https://www.affordablecebu.com/
 

Please support us in writing articles like this by sharing this post

Share this post to your Facebook, Twitter, Blog, or any social media site. In this way, we will be motivated to write articles you like.

--- NOTICE ---
If you want to use this article or any of the content of this website, please credit our website (www.affordablecebu.com) and mention the source link (URL) of the content, images, videos or other media of our website.

"Sanaysay Tungkol sa mga Guro (1st)" was written by Mary under the Schools / Universities category. It has been read 57358 times and generated 0 comments. The article was created on and updated on 13 March 2021.
Total comments : 0