Pitong taon na po akong namamasukan sa isang pagawaan ng upholstery. Matapos po ang ilang buwan ng walang sahod dahil sa lockdown ay sabik na sana akong bumalik sa trabaho noong nakaraang linggo ngunit sinabihan na lang ako na isa raw ako sa tinanggal sa trabaho dahil lubha raw ang pagkalugi ng negosyo. Sa sahod kong P14,000 kada buwan ay makakatanggap daw ako ng P20,000 na separation pay. Dahil gulat pa ako sa pagkakatanggal ko sa trabaho ay hindi ko muna tinanggap ang separation pay lalo na’t hindi rin ako sigurado kung tama ba ang nasabing halaga para sa itinagal ng naging serbisyo ko. Tama po ba ang P20,000 para sa 7 taon ko sa trabaho? – Mel
Dear Mel,
Mabuti’t hindi mo kaagad tinanggap ang ibinibigay sa iyong separation pay. Base sa inilahad mo ay tinanggal ka upang maiwasan ang tuluyang pagkalugi ng kompanya kaya ang magiging basehan ng komputasyon ng iyong separation pay ay ang sinasabi ng ating Labor Code ukol sa retrenchment.
Ayon sa ating batas, makakatanggap ng kalahating buwang sahod para sa bawat taon ng kanyang serbisyo ang empleyadong tinanggal ng kanyang employer dahil sa retrenchment o ‘yung pagtatanggal ng tauhan upang mapigilan ang pagkalugi ng negosyo.
Base sa nabanggit, hindi bababa sa P49,000 ang dapat na separation pay na matanggap mo. Nakuha ang halagang ito mula sa kalahating buwan mong sahod (P7,000) para sa bawat isang taong itinagal mo sa iyong employer na ayon sa iyo ay umabot ng pitong taon.
Dahil mababa ang ibinibigay sa iyong separation pay kumpara sa sinasabi ng batas na dapat mong matanggap ay maari mong kuwestiyunin ito at kung ipagpipilitan pa rin ng iyong dating amo ang halagang ibinibigay nila ay mabuting magreklamo ka na sa labor arbiter upang doon na kayo magharap." - https://www.affordablecebu.com/