Ako po ay 20 years nang nagtatrabaho bilang messenger sa isang opisina. May mga nararamdaman na po akong sakit kaya gusto ko na po sanang mag-resign. Makakatanggap po ba ako ng separation pay sakaling ako ay mag-resign? —Ernie
Dear Ernie,
Ang separation pay ay ibinibigay lamang sa mga empleyadong tinanggal sa trabaho dahil sa mga nakasaad sa Article 297 at 298 ng Labor Code katulad ng tuluyang pagsasara ng kompanya o dahil sa pagbabawas ng empleyado upang makatipid sa gastos at makaiwas sa tuluyang pagkalugi ang kompanya.
Maari ka ring makatanggap ng separation pay kung may nakasaad sa employment contract mo o sa collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan ng mga empleyado at ng kompanya na makakatanggap ng separation pay kapag ang empleyado ay nag-resign. Maari ka ring makatanggap ng separation pay kung matagal nang practice ng kompanya ang pagbibigay nito o ng anumang halaga sa mga kusang umaalis na empleyado.
Kung wala ang pagbabayad ng separation pay sa kontrata mo o sa CBA ninyo ay hindi ka makakatanggap ng separation pay dahil ang pagre-resign o ang kusang pag-alis sa trabaho ay hindi kabilang sa mga nakasaad na dahilan sa Labor Code na magbibigay karapatan sa isang empleyado para makatanggap ng separation pay mula sa kanyang employer.
Hindi mo nabanggit kung ano ang edad mo at kung may retirement plan ba ang pinapasukan mong kompanya. Kung may retirement plan kasi ang iyong employer at pasok na ang iyong edad sa mga maari nang mag-retire, mas mabuting piliin mo na lang magretiro upang makatanggap ka ng retirement benefits.
Kung sakali namang walang retirement plan ang iyong kompanya, maari ka pa ring magretiro at makatanggap ng benepisyo kung edad 60 ka na o pataas at hindi bababa sa limang taon ang naging paninilbihan mo sa iyong kasalukuyang employer." - https://www.affordablecebu.com/