Nahuli ko po sa cctv na nagnanakaw ang isa sa mga empleyado ko, na ngayon ay hindi na sumisipot sa trabaho. Nagpa-blotter na po ako sa pulis at balak ko na rin pong sampahan siya ng kriminal na reklamo. Masasabi bang opisyal na siyang tanggal sa trabaho? O may kailangan pa ba akong gawin para maging pormal na ang pagkakasisante niya?—Janice
Dear Janice,
Kahit may sapat na dahilan ang isang employer na katulad mo upang i-terminate o tanggalin ang kanyang empleyado, kailangan pa ring alinsunod sa tinatawag na due process o karampatang proseso ang gagawing pagsisisante.
Una, kailangang mapadalhan ng notice to explain ang isang empleyado kung saan nakasaad ang kanyang sala at upang mabigyan din siya ng oportunidad na makapagpaliwanag ukol sa mga paratang sa kanya. Kung hindi na pumapasok sa trabaho ang empleyado ay maaring ipadala ang notice sa huli niyang address ayon sa kanyang employment records. Kailangan din na hindi bababa sa 72-oras o tatlong araw ang ibibigay sa kanyang palugit upang siya ay makapagsumite ng kanyang isasagot sa mga paratang sa kanya.
Matapos masumite ng empleyado ang kanyang paliwanag, kung mayroon man, at kung makita na hindi sapat ang kanyang paliwanag at karapat-dapat lang ang pagtanggal sa kanya ay kailangan naman siyang padalhan ng notice of dismissal kung saan ipinaaalam sa empleyado ang tuluyan na niyang pagkakatanggal sa trabaho at ang dahilan nito.
Mahalagang maipadala sa isang empleyado ang dalawang nabanggit na mga notice bago siya sa sisantehin dahil sa anumang naging pagkakasala niya. Kung sakaling magkulang kasi ang employer sa pagsunod sa tamang proseso ng pagsisisante ay maaring siya pa ang masampahan ng kasong illegal dismissal kahit na may sapat namang dahilan upang tanggalin ang empleyado." - https://www.affordablecebu.com/