Na-hire po ako sa pribadong kompanyang pinapasukan ko noong October 2019. Dapat po ay magiging regular na akong empleyado ngayong Abril ngunit dahil sa ipinatupad na enhanced community quarantine (ECQ) ay nasuspinde po ang operasyon ng kompanya simula po noong Marso. Dahil sa suspension, sinabihan po ako ng aking supervisor na kailangan daw i-extend ang probationary period ko. Maari po ba nilang basta-basta na lang i-extend ang probationary period? -- Anne
Dear Anne,
Anim na buwan lang talaga ang nakatakdang tagal ng probationary period para sa mga bagong empleyado ngunit dahil sa enhanced community quarantine na ipinapatupad ngayon, inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Labor Advisory No. 14, Series of 2020 upang klaruhin ang isyu. Inilabas ng DOLE ang Labor Advisory para sa mga pribadong kompanya upang klaruhin na hindi isasama sa pagbibilang ng anim na buwang probationary period ng mga bagong empleyado ang isang buwang ECQ.
Batay dito, maaring i-extend ng kompanya mo ang probationary period mo dahil hindi nito saklaw ang itinagal ng ipinatutupad na lockdown.
Kailangan nga lang nating maghintay ng panibagong advisory mula sa DOLE dahil isang buwan lang ang tinutukoy na tagal ng ECQ sa nabanggit na advisory gayong higit na sa isang buwan ang itinatagal ng lockdown matapos itong i-extend ng pamahalaan." - https://www.affordablecebu.com/