Magtatatlong buwan na po kasi akong hindi nakakabayad ng renta kaya kamakailan ay binantaan na po ako ng landlord ko na ipapadampot na niya ako. Maaari po ba talagang maging dahilan ng pagkakakulong ang hindi pagbabayad ng renta? — Bert
Dear Bert,
Kung ang hindi pagbabayad ng renta lamang ang isyu ay walang dahilan upang ikaw ay ipakulong. Sa katunayan nga ay hindi ka niya maipapakaladkad palabas ng iyong nirerentahan basta-basta dahil kakailanganin ng landlord mo na magsampa muna ng kasong ejectment at makakuha ng paborableng desisyon mula sa korte upang ikaw ay mapaalis sa tinutuluyan mo at upang mabawi ang hindi mo nababayarang renta.
Uulitin ko, ito ay kung ang hindi pagbabayad ng renta ang tanging reklamo niya sa iyo.
Hindi kasi malinaw sa paglalahad mo kung bakit magbabanta ang landlord mo na ipadampot ka kaya baka may iba pa kayong alitan katulad halimbawa ng pag-iisyu ng tumalbog na tseke bilang pambayad sa renta na maaaring maging basehan ng kriminal na kaso katulad ng estafa o BP 22. Sa ganyang pagkakataon, maaaring magsampa ng criminal complaint ang landlord mo kaya maaari kang makulong kapag mag-isyu ang hukuman ng warrant of arrest.
Kung ang pagbabanta naman ay bunsod lamang ng kakulangan ng kaalaman sa batas o simpleng pananakot lang ay malabong ika’y makulong dahil lamang sa hindi pagbabayad ng renta. Hindi naman ibig sabihin nito ay hindi mo na kailangang magbayad ng renta. Obligasyon mo iyon sa iyong landlord at pinakamainam kung bayaran mo na ito sa pinakamadaling panahon upang hindi na kayo magkademandahan pa." - https://www.affordablecebu.com/