Makukulong po ba ako sa hindi ko pagbabayad ng utang sa credit card? Pinadalhan na po kasi ako ng demand letter ng credit card company kaya balak ko po sanang lumipat ng tirahan para pansamantalang makatakas muna sa walang tigil na pangungulit sa akin ukol sa aking utang.
Arvin
Dear Arvin,
Wala namang nakukulong dito sa Pilipinas dahil sa utang alinsunod sa Section 20, Article III ng ating 1987 Constitution kung saan nakasaad na “no person shall be imprisoned for non-payment of debt.”
Gayunpaman, ang nasabing garantiya ng ating Saligang Batas ay para lamang sa mismong akto ng hindi pagbabayad ng utang at hindi na nito saklaw ang iba pang aksyon na kaakibat nito katulad ng panloloko. Ito ang dahilan kung bakit makukulong pa rin para sa kasong estafa ng isang hindi nakapagbayad ng utang kung ang hindi niya pagbabayad ay may kasamang panloloko o kaya’y pag-iisyu ng tumalbog na tseke.
Sa iyong sitwasyon, nabanggit mo na plano mong lumipat ng tirahan upang matakasan ang mga naniningil sa iyo.
Nais kong ipaalam sa iyo na bagama’t hindi ka makukulong dahil lamang sa iyong pagkakautang ay maari ka namang mabilanggo dahil sa balak mong pagtatago mula sa mga naniningil sa iyo.
Sa ilalim kasi ng Republic Act No. 8484, pinarurusahan ang sinumang lumipat ng tirahan nang hindi nagpapaalam sa credit card company, kung mayroon siyang pagkakautang na higit sa P10,000 at hindi bababa sa 90 araw nang overdue o hindi pa nababayaran. Sakaling ma-convict, mahaharap sa multa at pagkakakulong na hindi bababa ng anim (6) taon at hindi hihigit ng sampung (10) taon. Sa iyong kaso, mukhang matagal nang overdue ang iyong utang kaya kung higit P10,000 ang iyong pagkakautang ay maaring magdulot pa ng mas mabigat na problema ang balak mong pagtatago mula sa credit card company na pinagkakautangan mo.
Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad na legal advice dito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon. Mas mainam pa rin na kayo ay personal na kumunsulta sa isang abogado para sa inyong mga problemang legal." - https://www.affordablecebu.com/