Ninakawan po ako ng empleyado ko ng tseke kaya mabuti na lang at wala pa pong laman ang account ko kaya tumalbog ito. Maari ko pa rin ba siyang sampahan ng kriminal na kaso kahit wala naman siyang napala sa pagnanakaw ng aking tseke? — Joseph
Dear Joseph,
Maari mo pa ring sampahan ng kriminal na kaso kahit hindi naman niya nakubra mula sa banko ang halagang nakasaad sa tsekeng kanyang ninakaw. Mayroon kasing tinatawag na “impossible crime” sa ilalim ng Article 4 ng Revised Penal Code. May impossible crime kung (1) ang mga aksyon na ginawa ay katumbas ng isang krimen laban sa tao o sa ari-arian; (2) ang aksyon ay ginawa ng may masamang hangarin; at (3) hindi naisakatuparan ng gumawa ang kanyang layunin dahil hindi sapat ang kanyang pamamaraan o sadyang imposible na maisakatuparan ito.
Nagbigay ang Supreme Court ng mga halimbawa ng impossible crime: ang pagbaril o pagsaksak sa isa na palang patay na, dahil murder o homicide dapat ang krimen kung hindi lang bangkay na ang binaril o sinasaksak. Impossible crime din kapag may nandukot ngunit wala namang nakuha ang mandurukot dahil wala palang laman ang bulsa ng dinudukutan niya.
Maihahalintulad sa huling halimbawa ang ginawa ng empleyado mong nagtangkang mag-encash ng ninakaw niyang tseke. Katumbas sana ng theft o qualified theft ang ginawa ng empleyado mo ngunit dahil wala palang laman ang bank account mo ay hindi niya naisakatuparan ang kanyang hangaring pagnakawan ka.
Ganito rin ang naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Jacinto v. People (G.R. No. 162540, 13 July 2009), kung saan ang hatol na guilty para sa krimen na qualified theft ng mababang hukuman ay pinalitan ng hatol na guilty para sa impossible crime, dahil wala ring laman ang bank account ng pinagnakawan ng tseke. Ayon sa Korte Suprema, nakumpleto na ng akusado ang lahat ng aksyon para sa krimen ng theft at sadyang imposible lang talaga itong maisakatuparan dahil sa kawalan ng laman ng bank account." - https://www.affordablecebu.com/