Maari pa ba akong magsampa ng kaso laban sa cyberbullying na naranasan ko mula sa aking mga naging ka-trabaho? Noong isang taon pa po kasi nangyari ang cyberbullying pero nakuhanan ko naman po ng screenshots ang mga pinagpo-post nila laban sa akin. —Len
Dear Len,
Kailangan muna nating linawin kung ano ba ang term na “cyberbullying “ sa ilalim ng ating batas. Ang bullying kasi sa ilalim ng Republic Act No. 10627 o Anti-Bullying Act of 2013 ay patungkol lamang sa bullying na nagaganap sa eskuwelahan at sa pagitan ng mga estudyanteng nag-aaral doon. Walang probisyon sa nasabing batas para sa direktang pagpaparusa sa mga nambu-bully dahil iniaatas lamang nito sa mga pamunuan ng mga paaralan ang pagbuo ng mga polisiya para mapigilan ang bullying sa mga eskuwelahan.
Hindi naman ibig sabihin nito ay wala nang batas na maaring sumaklaw sa sinasabi mong pambu-bully na nangyari sa iyo sa trabaho. Depende sa sinasabi mong ginawa sa iyo, maari kang magsampa ng kaso sa ilalim ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 kung pasok sa depinisyon ng libel ang mga pinagpo-post ng mga ka-trabaho mo laban sa iyo.
Maari ka ring magsampa sa ilalim ng RA 9995 o Anti-photo and Voyeurism Act of 2009 kung ang mga mapanirang post laban sa iyo ay binubuo ng mga maseselang larawan o video.
Nabanggit mo na noong isang taon pa ang mga post laban sa iyo kaya kailangan mong malaman na may isyu pa sa ngayon ukol sa prescriptive period o yung nakalaang panahon para magreklamo para sa kaso ng cyberlibel. Mayroon kasing nagsasabi na isang taon lamang ito ngunit may nagsasabi naman na 12 taon dapat ito. Hangga’t wala kasing ibinababang desisyon ang ating Korte Suprema patungkol sa isyu ng prescriptive period sa mga kasong may kinalaman sa cyberlibel ay walang makakapagsabi ng tiyak na sagot sa isyu na iyan.
Mahalagang malaman mo ito kung cyberlibel ang isasampa mo dahil maaring maibasura kaagad ang kaso mo kung sakaling higit na sa isang taon ginawa ang mga mapanirang post laban sa iyo." - https://www.affordablecebu.com/