Ano po ba ang maari kong ikaso sa kasambahay namin na winasak ang kaha de yero sa aming bahay at tinangay ang mga alahas na nasa loob? May nakapagsabi po kasi sa akin na hindi lamang simpleng pagnanakaw ang nangyari dahil bukod sa pagtangay niya sa mga alahas ay nanira pa siya ng ari-arian namin. Tama po ba ang nagsabi sa akin nito? Ano po ba ang isasampa kong kaso kung hindi pagnanakaw? -- Aileen
Dear Aileen,
Upang maging malinaw kung ano ang naangkop na reklamo ay kailangan nating tingnan ang bawat elemento ng mga krimen ng theft at robbery sa ilalim ng ating Revised Penal Code (RPC).
Ayon sa Article 308 ng RPC, mayroong theft kung may (1) naging pagkuha ng personal property; (2) ang personal property na ito ay pag-aari ng iba; (3) kinuha ang personal property dahil sa tinatawag na animus lucrandi o intensyong kumita o makinabang mula sa ari-ariang kinuha; (4) ang pagkuha ng personal property ay walang pahintulot ng may-ari at (5) ang pagkuha ay walang kasamang dahas o intimidasyon laban sa ibang tao o paggamit ng puwersa sa isang bagay. (People v. Rodrigo, G.R. No. L 18507, March 31, 1966.)
Ang mga elemento naman ng robbery ay matatagpuan sa Article 293 ng RPC kung saan nakasaad na may robbery kapag (1) may pagkuha ng personal property; (2) ang kinuhang personal property ay pag-aari ng ibang tao; (3) ang pagkuha ay dulot ng animus lucrandi o ng intensyong kumita o makinabang mula sa ari-ariang kinuha; at (4) ang pagkuha ay may kasamang dahas laban sa ibang tao o paggamit ng puwersa sa isang bagay. [Consulta v. People, 598 Phil. 464, 471 (2009)]
Mula sa kuwento mo ay robbery at hindi lamang simpleng theft ang ginawa ng iyong kasambahay. Pasok lahat ang elemento ng robbery sa sinasabi mong ginawa niya: (1) ang pagkuha ng kasambahay mo ng alahas; (2) ang mga alahas na kinuha ay hindi niya pag-aari; (3) ang pagkuha ay masasabing bunsod ng animus lucrandi dahil maaring ipagpalagay na may intensyong makinabang ang isang tao sa isang bagay basta’t kinuha niya ito ng walang pahintulot sa may-ari at ng labag sa batas [Matrido v. People, 610 Phil. 203, 212 (2009)]; (4) gumamit siya ng puwersa sa pagkuha nito sa pamamagitan ng pagsira niya sa kaha de yero niyo.
Base sa mga nabanggit ay robbery ang naangkop na krimen na isampa laban sa iyong kasambahay." - https://www.affordablecebu.com/