Ano po ba ang maari kong ikaso sa tindero ko na nagnakaw sa tindahan namin? Nabuksan po niya kasi ang lagayan namin ng pera dahil nakapagpa-duplicate siya ng susi ng hindi namin nalalaman. May nakapagsabi po kasi sa akin na puwedeng robbery o theft raw ang kaso at depende raw ito kung paano yung ginawang pagnanakaw. —Jen
Dear Jen,
Tama ang nagsabi sa iyo na nakadepende sa mga naging pangyayari kung masasabing robbery o theft ba ang naging pagnanakaw sa tindahan n’yo.
Upang maging malinaw kung ano ang naangkop na reklamo ay kailangan nating tingnan ang bawat elemento ng mga krimen ng theft at robbery sa ilalim ng ating Revised Penal Code (RPC).
Ayon sa Article 308 ng RPC, mayroong theft kung may (1) naging pagkuha ng personal property; (2) ang personal property na ito ay pag-aari ng iba; (3) kinuha ang personal property dahil sa tinatawag na animus lucrandi o intensyong kumita o makinabang mula sa ari-ariang kinuha; (4) ang pagkuha ng personal property ay walang pahintulot ng may-ari at (5) ang pagkuha ay walang kasamang dahas o pananakot laban sa ibang tao o paggamit ng puwersa sa isang bagay (People v. Rodrigo, G.R. No. L 18507, March 31, 1966).
Ang mga elemento naman ng robbery ay matatagpuan aa Article 293 ng RPC kung saan nakasaad na may robbery kapag (1) may pagkuha ng personal property; (2) ang kinuhang personal property ay pag-aari ng ibang tao; (3) ang pagkuha ay dulot ng animus lucrandi o ng intensyong kumita o makinabang mula sa ari-ariang kinuha; at (4) ang pagkuha ay may kasamang dahas o pananakot laban sa ibang tao o paggamit ng puwersa sa isang bagay [Consulta v. People, 598 Phil. 464, 471 (2009)].
Sa inilahad mo ay wala ka namang nabanggit na paggamit ng dahas sa inyo o pagpuwersa sa mga gamit ninyo kaya theft ang nakikita kong krimen na nagawa at hindi robbery. Idagdag mo lang na maari ring qualified theft ang krimen ng inyong tindero kung nagawa niya ang pagnanakaw sa pamamagitan ng pagsasamantala sa tiwalang ibinigay niyo sa kanya, kung mayroon man." - https://www.affordablecebu.com/