Nabuntis po ako pero hindi pa ako kasal. Sa tingin ko ay walang balak ang lalaking nakabuntis sa akin na kilalanin ang dinadala ko kaya ngayon pa lang ay magtatanong na po ako tungkol sa magiging pangalan ng aking magiging anak. Alam kong kailangan niyang gamitin ang apelyido ko ngunit hindi po ako sigurado kung ano ang ilalagay kong middle name niya. Katulad din po ba ng middle name ko ang magiging middle name ng bata? -- Aileen
Dear Aileen,
Nakasaad sa Republic Act 9255 na maaring gamitin ng mga illegitimate children ang apelyido ng kanilang ama kung sila ay papahintulutan nito ngunit ayon sa iyo ay malabong mangyari ito kaya ang magiging applicable sa sitwasyon ng anak mo ay ang Article 176 ng Family Code. Nakasaad sa nasabing probisyon na ang apelyidong gagamitin ng mga illegitimate children ay ang apelyido ng nanay. Bagama’t tahimik ang batas pagda-ting sa usapin ng middle name, nakasaad naman sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Republic v. Capote (G.R. No. 157043, February 2, 2007) na ang bubuo lang sa pangalan ng isang illegitimate child na hindi kinikilala ng kanyang ama ay ang given name niya at ang apelyido ng kanyang ina.
Wala siyang magiging middle name bukod na lang kung kalaunan ay kilalanin siya ng kanyang ama o ampunin siya ng ibang tao. Praktikal din na ipinagbabawal sa isang illegitimate child na gamitin ang middle name ng kanyang ina dahil lalabas na magkapatid sila kung pareho ang kanilang middle names at apelyido.
Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad na legal advice dito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon. Mas mainam pa rin na kayo ay personal na kumunsulta sa isang abogado para sa inyong mga problemang legal." - https://www.affordablecebu.com/