Laging Handa
Kung kelan nagdarasal akong huwag umulan, saka naman tila nanunukso ang panahon.
At kahit sisihin ko pa ang sarili ko sa hindi pagsunod sa batas ng Boy Scout na dapat ay “laging handa” tuwing lalabas ng bahay, wala na akong magagagawa kundi ang umilag-ilag sa mga “kaaway”.
Ang problema, inabot akong walang kalaban-laban sa gitna ng kalsada.
Papatawid sa sakayan.
Wala nang pagkakataon para umiwas-pusoy.
Ginamit ko ang face towel na dala ko para ipagtanggol (kahit man lang ang ulo ko) sa mga kaaway habang nag-i-i-step-yes-step-no sa pedestrian lane.
Huli na nang maisip kong hindi pala ako pwedeng lumaban sa giyera kung ang dala-dala ko’y bread knife sa halip na bazooka.
Habang nakikipagsiksikan sa isang waiting shed sa Quiapo, naiisip ko ang mga batang palaboy sa lansangan na nagpipilit maghanap ng ikabubuhay para sa sarili at sa pamilya kahit umuulan.
Ang mga batang sa bubot na isip ay nagagawang maghanap ng pagkain sa legal na paraan na ipandudugtong sa hininga ng mga kapatid at magulang.
Napi-picture ko ang mga musmos na mula pagdilat ng mga mata ay nakikipagpatintero na sa mga humahagibis na sasakyan.
Hindi ko alam kung bakit itinatanong ko sa aking sarili kung paano natitiis ng kanilang mga murang katawan ang kaligkig na dulot ng masungit na panahon alang-alang sa kaunting barya.
Hindi ko alam kung bakit pumapasok sa diwa ko’t balintataw ang hitsura nila habang hinahamig ang mga dalisdis na patak sa lansangan upang makapagtinda ng sampaguita.
Hindi ko alam kung bakit ko naiisip kung ano ang kanilang iniisip sa kanilang sitwasyon.
Siguro, wala na silang panahon para isipin pa kung ano ang kanilang kahihinatnan sa dulo.
Dahil mas abala sila sa pag-iisip sa hapunang wala pang kasiguraduhan.
Naiisip ko rin kung ano ang iniisip ng taong nakaupo sa silyang naiikot at naitataas-baba.
Siguro’y nangunguyakoy pa ito habang humihigop ng mainit na kape ngayong tag-ulan.
Hinihimas ang baba sa paggawa ng batas na papabor sa negosyo ng ilang mga malalaking tao at kaibigan habang itinatanong sa sarili kung ano ang mga numerong tumama sa lotto.
Kay hindi siguro nila naiisip ang mga naiisip ko…
Nakasakay na ako sa jeep ng himalang tumila ang ulan. - https://www.affordablecebu.com/