Home » Articles » Literature

Halimbawa ng Sanaysay na Nangangatwiran (Tungkol Sa Relihiyon)

Narito ang isang halimbawa ng sanaysay na nangangatwiran tungkol sa relihiyon na sinulat ng isang di kilalang manunulat:
Sanaysay Tungkol sa Relihiyon
 

Hindi Apektado (Sanaysay Tungkol sa Relihiyon)

Maaaring relihiyon lang ang hindi apektado ng “global economic crisis” sapagkat sa panahon ng krisis sa ekonomiya ng Pilipinas, o ng alin mang bansa sa mundo, mas nagiging relihiyoso ang mga tao.

Sa panahong nararamdaman na ang pait ng buhay, ibig umigib ng sagradong tubig upang maipanulak sa nalalasahan.

At sapagkat hindi makakuha ng sapat na tulong galing sa mga taong nakikita ng mata at nahahawakan ng kamay, isasalin na lamang ngayon ang pansin at pag-asa sa pananampalataya at mga paniniwala.

Ang imaheng nasa espiritu ng relihiyon, maging ito man ay kasing-negro na katulad ng Nazareno sa Quiapo o kasing-tisoy ng imaheng ipinaparada sa Pampanga, o ang walang pigura ng mga iba pang samahan, ay nakikitang isang matibay na kakapitan sa panahon ng kagipitan.

Mayroon itong isang hiwaga na sa oras na ikaw ay manampalataya, ikaw ay makatatanggap ng siksik, liglig at umaapaw na biyaya.

Sapagkat ibig paniwalaan na sa oras ng bagyo at baha ay may isang “rescue officer” na maaring magligtas sa mga “nasalanta.” 

Kaya nga, sa patuloy na pag-usbong ng iba’t ibang relihiyon, patuloy rin sa pagdami ang mga nagiging tagasunod.

At sa patuloy na panganganak sa mga nananampalataya, maliwanag na sandamukal na abuloy para sa mga namumuno.

Sa bahay-sambahan, kung ika’y dadalo at mag-aaral ng mga banal na salita, (bible study o prayer meeting sa iba) hindi maaaring hindi ka mag-aabuloy.

Bahagi ito ng pananamplataya mo bilang isang Kristiyano.

Bahagi ito ng aral o batas na naisubo sa iyo magmula pa sa iyong kabataan.

Itinuturo ito maging sa paaralan.

At ito rin ang ipinangaral ng mga mananakop mahigit limang daang taon na ang nakalilipas.

Kahit barya na lang ang madudukot mo sa bulsa, hindi makakalimutan ang pagbibigay.

Sapagkat sa pagbibigay, maipakikita mo na ikaw ay nakikibahagi sa mga gawaing nakaatang.

At sinasabing ang hindi pagbibigay ay “pagnanakaw” sa nasa Itaas.

Bibili ka pa ng kandila sa loob.

Ititirik ito sa mga tulusan sa paniwalang matutupad ang iyong mga kahilingan.

Para magkaroon ng bisa, (o upang alisin ang konsensya sa hindi pag-aabuloy) maliwanag ang limang pisong hulog sa donation box na nasa tabi.

Kung medyo hindi ka nakuntento at naghahanap ka pa ng mas mabisang makakapitan, hindi mo paliligtasing bilhin ang mga rosaryong nasa eskaparate, ang mga maliliit na kuwintas ni St. Martin de Porres para sa mga maysakit at ang pigurin ni Sto. Niño na iba’t ibang kulay, outfit at design.

Mas mahal ng kaunti ang mga nasa kanan sa dahilang ito’y “nabasbasan na”.

May power na taglay, ‘ika nga.

Nakahilera rin ang mga printed materials para sa mga mahihilig magbasa.

Naglalaman ito ng sari-saring dasal, istorya, kwento, bulong at novena para sa iba’t ibang santo at santa.

Iba ang dasal kay Santa Maria, iba naman ang panalangin para kay San Pedro.

Siyempre pang may katumbas na halaga ang bawat isa.

Depende ang presyo sa sukat at kapal ng babasahin.

Depende sa dami ng mga pahina at depende rin sa kintab, kapal at uri ng papel na ginamit. 

Kung gustong maisakatuparan ang mga sakramento at upang mahigpit na makakapit upang makatanggap ng siksik, liglig at umaapaw na mga biyaya, susundin mo ang mga alituntunin ng batas.

Sapagkat hindi mo gustong mawalan ng bisa ang mga “banal” mong gawain.

May sobre para sa binyag.

Pwera dito ang “entrance fee” na binayaran ng mga magulang kapag ililista ang pangalan ng bata.

Ang sobreng puti ay para sa mga Ninong at Ninang at iba pang mga kasama.

Kung kapamilya ka, o kahit kapuso pa, hindi ka makaliligtas ng sobreng ito.

Kung nagparamdam naman ang lolo mong namatay, kailangang magpamisa para sa ikatatahimik at ikaaahon ng kaluluwa sa purgatoryo.

Doon sa sekretarya ang punta mo.

Gagawa ka ng appointment para mai-book ang lolo mong namatay sa mga iaahon mula sa purgatoryo.

Tatlong klase ang presyo sa tatlong klase ng pamisa.

First Class, Business Class at Economy Class.

Kung gusto mong maging priority ang lolo mo at hindi chance passenger, first class ang kunin mo.

Pero, natural, dahil first class ito, mas mataas ng kaunti ang pamasahe.

Kung nagbabalak magpakasal, may dalawang klase naman, primera at segunda.

Depende ang price tag sa dami ng bulaklak, sa hilatsa ng red carpet at sa lakas ng boses ng magkakasal.

Mamimili ka rin kung may kasamang singer at isang piyanista.

Sa primera klase, ala-Celine Dion ang boses ng kakanta.

Sa segunda, medyo pasmado ang kamay ng piyanista.

Ang show charge ay lumalabas sa iyong chit bago pa simulan ang seremonya.

Ang mga abuloy ay napupunta daw sa relihiyon.

Napapakinabangan ba ng mga miyembrong nangasalabas ng simbahan na nagtitiis sa lamig ng lansangan dahil walang pook na titirhan?

Napupunta ba sa mga gutom na batang nasa bingit ng panganib sa humahagibis na sasakyan pagkat kailangang maglimos upang kumain?

O sadyang hindi nakikialam, sapagkat ang pagtulong at pagkupkop sa kanila’y itinuturing na tungkulin ng gobyerno? 

Hindi masama ang relihiyon.

Walang masama sa pananampalataya.

Ngunit higit sa anumang dapat isaalang-alang, kinakailangan ang batas na tunay upang hindi mawalan ng kabuluhan ang mga paniniwala.

O masilo sa bitag na inihahanda at iniuumang at inuhuhugis ng mga namumuno.

Apektado sa krisis ang lahat ng negosyo, pati ang pamahalaan.

Pero, relihiyon lang ang hindi apektado.

Maaaring hindi maghihirap ang mga relihiyon.

Sapagkat sa patuloy na paghahanap ng mga tao ng makakapitan sa oras ng kagipitan, patuloy silang magbibigay ng abuloy dahil sa kanilang mga pananampalataya.

At sa patuloy na paglalagak ng sarili sa kani-kanilang pananampalataya, patuloy ring dadagsa ang mga tao upang busugin at bundatin ang mga pinuno ng relihiyon.

Mga pinunong nasanay na mangaral kapalit ng pagtanggap ng mga kapakinabangan.

Mga pakinabang na isasampa nila sa kanilanbg mga sikmurang tila butas at walang kabusugan. - https://www.affordablecebu.com/
 

Please support us in writing articles like this by sharing this post

Share this post to your Facebook, Twitter, Blog, or any social media site. In this way, we will be motivated to write articles you like.

--- NOTICE ---
If you want to use this article or any of the content of this website, please credit our website (www.affordablecebu.com) and mention the source link (URL) of the content, images, videos or other media of our website.

"Halimbawa ng Sanaysay na Nangangatwiran (Tungkol Sa Relihiyon)" was written by Mary under the Literature category. It has been read 4446 times and generated 1 comments. The article was created on and updated on 16 December 2017.
Total comments : 1
Ntwpha [Entry]

buy atorvastatin 20mg generic <a href="https://lipiws.top/">buy generic atorvastatin for sale</a> lipitor 10mg cost