Kahulugan ng Awiting Bayan
May mga awit tungkol sa pagdakila sa kanilang Bathala, pag-awit sa pagsisisi sa kasalanan, pag-awit upang sumagana ang ani, pag-awit sa pakikidigma, pag-awit sa tagumpay, pag-awit sa pagpapatulog ng bata, pag-awit sa kasal, pag-awit bilang pagpuri sa kanilang mga ninuno. May mga awit namang malaswa ang sinasabi at may kagaspangan ang mga pananalita.
Awiting Bayan Bilang Panitikan
Apat (4) na Mga Pangunahing Wikang Sumasaklaw ng Panitikang Bisaya
Apat na wika ang sumasaklaw ng panitikang Bisaya:
- Sugbuwanon - ng Cebu at Negros
- Hiligaynon - ng pulo ng Panay
- Waray-waray - ng Samar at Leyte;
- Kastila
Sa panahong ito, ang awiting bayan lamang ang nakapagpapanatili sa ating moral. Nanatiling paksa ng ating mga awiting bayan ang ating katutubong kultura, damdamin at mga paksain. Karamihan sa ating mga awiting bayan ay batay sa mga damdaming ayon sa kapaligiran ng tao, kahalagahan ng paggawa, paglalarawan ng kagandahan ng kapaligiran, pag-asa, pag-ibig, kaligayahan at, at pagpapahayag ng iba-ibang ugali.
Karamihan sa mga awiting bayan ay nagmula sa pakikitungo ng mga tao sa kanilang kapaligiran. Ang iba’y damdaming may kaugnayan sa kanilang ginagawa. Pinapaksa rin ng mga awiting bayan ang lungkot at saya ng buhay, ang pag-ibig, at halos lahat ng mga karanasan sa pang-araw-araw na buhay.
Bahagi ng ating katutubong panitikan ang mga awiting bayan. Ito’y may tugma at indayog na karaniwan nating naririnig mula pa sa ating pagkabata. Nagsasalaysay ito ng damdamin, karanasan, kaugalian at pananampalataya, o kaya’y uri ng gawain o hanapbuhay sa pook na pinanggagalingan nito. Laganap ang mga ito sa Pilipinas at ang bawat pook ay may kani-kaniyang awiting bayan. Hindi alam kung sino ang may akda nito, ngunit nananatili itong buhay sa pamamagitan ng salin-dila, pagsasaulo at pag-awit dito. Gayon pa man, marami sa orihinal at katutubong awiting bayan ay napalitan nang dumating ang mga Kastila. Sinabi ni Padre Chirino na ang mga Pilipino ay likas na maibigin sa pag-awit. May mga awit ang mga ito sa anumang bagay na kanilang ginagawa, tulad ng sa pagtatanim, pamamangka, pangingisda o panliligaw. Mayroon din silang inaawit kung nais nang mag-asawa at kung may namatay at nagluluksa.
Ang mga awiting bayan ay tula muna bago awit. Ang mga titik ng mga awiting bayan, na kinatha ng mga katutubong bihasa na sa pagtula ay totoong mapaglarawan ng ugali ng Pilipino. At sa panahon ng Kastila, ang mga awiting bayan ay mangyari pang napakilala rin ng pagkakasanib sa ugaling Pilipino ng diwang Kastila. Mapapansin ang pagkakagamit ng mga salitang hiram sa Kastila, na totoong malimit, isang bagay na ikinaiba ng mga awiting ito sa mga unang katutubong tula na nalahiran ng Kastila nang isatitik na ng mga misyonero.
Ang pamumuhay at pag-uugali ng mga tao ay mababakas sa mga awiting bayan. Ang pinagdatnang awiting bayan ay nagpatuloy rin at kung may pagbabago man ay karagdagdagan lamang. Nakalikha pa ng mga ibang awiting bayan na may bakas ng bagong kalinangan at kabihasnang dala rito ng mga Kastila.
Kahalagahan ng Awiting Bayan
- Nagpapahayag ng reaksiyon ng mga mamamayan sa kanilang mga karanasan sa buhay.
- Ang mga awit, kahit na mga sinauna ay siyang nagpapahayag ng kanilang mga damdamin, panaginip, pag-asa at mga saloobin.
- Tunay na nagpapahayag ng sariling kulturang Filipino.
- Likas na nagpapahayag ng matulaing damdamin at kaluluwa ng mga Filipino.
- Ang mga Filipino ay likas na sentimental
- Ipinakikilalang ang mga Filipino ay likas na nagpapahalaga at tunay na maibigin sa kagandahan.
- Ang pamumuhay at pag-uugali ng mga tao lalo na ng mga taga Bisayas at Mindanaw ay nababakas sa mga awiting bayan.
Mga Uri ng Awiting Bayan
- Oyayi o ayayi – awiting panghele sa bata, o "lullabies”
- Diyona – awitin tungkol sa kasal, o "nuptial/courtship songs”
- Kundiman – awit ng pag-ibig, o "love songs”
- Kumintang – awit ng pandigma, o "war/battle songs”
- Soliranin – awit sa paggagaod, o "rowing songs”
- Tikam – pandigmang awit na pang-akit sa pakikihamok at mayroon namang pagbati sa bayaning nagtatagumpay
- Talindaw – awit sa pamamangka, o "boat songs”
- Kutang-kutang – awiting panlansangan, o "street songs”
- Maluway – awit sa sama-samang paggawa, o "work songs”
- Pananapatan – panghaharana sa Tagalog, o "serenades”
- Sambotani – awit ng pagtatagumpay, o "victory songs”
- Balitaw – awit sa paghaharana ng mga Bisaya
- Dalit – awit na panrelihiyon, o "hymns”
- Paninitsit – (Kapampangan) "O kaka, o kaka”
- Pangangaluwa – awit sa araw ng mga patay ng mga Tagalog o "dirges”
- Dung-aw – awit sa patay ng mga Ilokano
Panitikang Bisaya
Sa Hiligaynon, si Eriberto Gumban ang ipinalalagay na "Ama ng Panitikang Bisaya” dahil sa sinulat niyang maraming moro-moro, drama at sarsuwela; si Jose M. Laya ay napatangi sa tula at maikling kuwento; ayon kay Maximo Kalaw, si Magdalena Jalandoni ang umakda ng pinakamabuting nobelang Hiligaynon: "Ang Mga Tunuc sang ca Bulac”.
Sa Sugbuwanon, ang lalong matunog na pangalan ay ang kay Vicente Sotto na natanyag sa sinulat niyang operang Bisaya: "Mactang”. Si Sotto ay maraming nasulat sa Kastila at isang manlalabang peryodista.
Sa Waray-waray, ang pinakamaningning na pangalan ay ang kay Norberto Romualdez, naging mahistrado ng Korte Suprema, at sumulat ng maraming dula, sanaysay na sosyo-pulitiko at hinggil sa pilipinolohiya, lalo na sa poklor na Filipino. Ang mga wikang ginamit niya ay Waray-waray at Kastila.
Sinulat ni: Khen N. Salce