Magkano po ba ang dapat na tinatanggap ng empleyado kapag holiday? Kailangan ko po kasing papasukin ang aking mga tauhan kahit holiday at gusto ko pong makasigurado na tama ang ipapasahod sa kanila. —Mandy
Dear Mandy,
Ang mga papasok na empleyado ay makakatanggap ng 200% ng kanilang regular na sahod para sa unang walong oras ng kanilang trabaho para sa araw na iyon.
Kapag higit na sa walong oras ang kanilang trabaho sa araw ng holiday ay kailangan silang bayaran ng dagdag na 30% kada oras ng kanilang overtime, bukod sa 200% ng kanilang regular hourly na kanilang matatanggap kada oras.
Iba rin ang kuwentahan ng magiging sahod ng isang empleyadong pumasok ng holiday at ang holiday ay nataong pumatak sa kanyang rest day o day off.
Makakatanggap sila ng 200% ng kanilang regular na sahod para sa unang walong oras at karagdagang 30% kada oras. Kapag higit na sa walong oras ang kanilang trabaho ay may patong muling 30% sa kanilang hourly rate.
Paalala ko lang na hindi lahat ng empleyado ay makakatanggap ng holiday pay. Ayon sa Labor Code, ang ilan sa mga empleyadong walang karapatan sa holiday pay ay iyong mga namamasukan sa mga tindahan o iyong mga establisimentong nagbibigay serbisyo na wala pa sa 10 ang mga empleyado; mga domestic helper o iyong mga nagbibigay ng personal na serbisyo sa iba; mga managerial employees; at mga field personnel o iyong mga gumaganap ng kanilang mga tungkulin na malayo sa tanggapan ng employer at hindi sinusubaybayan kaya hindi matiyak ang aktwal na oras ng kanilang trabaho, kabilang na yung mga empleyadong sumasahod sa pamamagitan ng tinatawang na commission basis." - https://www.affordablecebu.com/