May kaibigan po akong nangutang sa akin ng Php 200,000. Nangako siyang babayaran niya ako buwan-buwan dahil may regular na trabaho naman daw siya sa isang malaking kompanya kaya tuluy-tuloy ang kanyang pagsahod. Dahil dito ay pumayag akong pautangin siya. Dapat sana ay noong isang buwan pa siya nagsimulang hulugan ang inutang niya ngunit hanggang ngayon ay wala pa akong natatanggap ni magkano mula sa kanya. Hindi ko na rin siya mahagilap at nang magtanong-tanong ako ay napag-alaman kong wala naman pala siyang regular na trabaho kahit noon pang isang taon. Maari ko po ba siyang sampahan ng estafa? Nagtatanong po ako dahil palagi kong naririnig na wala namang nakukulong dahil sa utang.—Laura
Dear Laura,
Totoong sa ilalim ng ating Saligang Batas, walang sinuman ang maaring makulong dahil lamang sa hindi pagbabayad ng utang. Mapapansin mo na binigyang-diin ko ang salitang “lamang” dahil bagama’t hindi maaring makulong ang isang tao dahil hindi siya nakapagbayad ng utang, maari pa rin siyang makulong sa iba niyang ginawa na may kinalaman sa kanyang pag-utang at sa hindi pagbabayad nito katulad ng panloloko o pag-isyu ng tumalbog na tseke.
Base sa inilahad mo ay maari kang magsampa ng kasong estafa sa ilalim ng Article 315, paragraph 2(a) ng ating Revised Penal Code kung saan pinaparusahan ang sinumang nagkunwari o nagpanggap upang makumbinsi ang ibang tao na ibigay ang kanilang pera o ari-arian.
Kailangang mapatunayan mo na umasa at nagtiwala ka sa pinautang mo base sa sabi niya sa iyong may regular siyang trabaho at may kakayahan siyang mabayaran ang halagang hiniram niya sa iyo. Ayon kasi sa Korte Suprema sa kaso ng People v. Soliven (GR No. 125081, 03 October 2001), upang ma-convict sa kasong estafa ang isang akusado sa ilalim ng Article 315 par. 2(a) ay kailangang ang pagkukunwari o pagpapanggap ang pangunahing dahilan kung bakit ibinigay ng nagrereklamo ang kanyang pera o ari-arian sa akusado." - https://www.affordablecebu.com/