Nagkaroon po kami ng pagtatalo ng aking kapitbahay ukol sa paglalagay ng bakod sa aming kanya-kanyang lote. Plano ko po na magdemanda ngunit pinayuhan po ako ng isa sa mga kagawad sa aming lugar na kailangan ko raw munang dumaan sa barangay bago ako makapagsampa ng kaso sa korte.
Nagdadalawang isip po ako na sundin ang kanyang payo dahil ang aking nakaaway ay kaibigan ng aming barangay captain kaya hindi po ako nakakasiguro na siya’y magiging patas.
Kailangan ko po ba talagang dumaan sa barangay bago ako makapagsampa ng kaso sa korte? — Cora
Dear Cora,
Nakapaloob po sa Republic Act No. 7160 o sa Local Government Code ang tinatawag nating sistema ng Katarungang Pambarangay. Layon po ng sistemang ito na maayos kaagad ang gusot sa lebel pa lang ng barangay upang mabawasan ang napakaraming kasong isinasampa sa mga korte na nagpapabagal po sa sistema ng hustisya sa ating bansa.
Lahat po ng kaso na isasampa sa korte ay kailangang dumaan sa barangay bukod sa mga sumusunod:
a) Kapag ang isa sa mga partido sa kaso ay ang gobyerno;
b) Kapag ang isa sa mga partido ay opisyal o empleyado ng gobyerno at ang kaso ay may kinalaman sa kanyang mga tungkulin;
c) Kapag ang kaso ay may kinalaman sa krimeng may parusang pagkakakulong ng higit isang (1) taon o multa na higit limang libong piso (P5,000.00);
d) Kapag kriminal ang kaso at walang sangkot na pribadong indibidwal;
e) Kapag may kinalaman ang kaso sa mga real properties na matatagpuan sa magkakaibang lungsod o munisipyo bukod na lang kung ang mga partido sa kaso ay boluntaryong dudulog sa barangay upang maayos ang kanilang gusot;
f) Kapag nakatira ang mga partido sa kaso sa mga barangay ng magkaibang lungsod o munisipyo, bukod na lang kung magkatabi ang tinitirhan nilang barangay at nagkasundo ang mga partido na boluntaryo silang dudulog sa barangay upang maayos ang kanilang gusot;
g) Mga kaso na sa tingin ng Pangulo o sa rekomendasyon ng Secretary of Justice ay hindi na kailangang dumaan sa barangay (Section 408, Chapter VII, RA No. 7160).
Bukod sa mga nabanggit, may idinagdag pa ang Section 412(b) ng Local Government Code na mga kaso kung saan maaring dumiretso na sa korte ang nagrereklamo:
Kapag ang akusado ay kasalukuyan nang nakakulong o ang isang tao ay binawian ng kalayaan sa anumang paraan at kailangan nang magsampa ng kaso para sa habeas corpus upang siya ay mapalaya;
Kapag ang kaso ay may kasamang hiling ng pansamantalang remedyo katulad ng injunction (katulad ng TRO), support pendente lite (paghingi ng tulong pinansyal sa kabilang partido habang dinidinig pa ang kaso) at iba pa.
Kapag ang kaso ay malapit nang mapaso ayon sa Statute of Limitations ng ating Civil Code at kailangan na itong maisampa sa lalong madaling panahon.
Base sa iyong inilahad, mukhang hindi naman pasok ang iyong sitwasyon sa mga nabanggit kong kaso kaya tama ang payo sa iyo ng inyong kagawad na kailangan mo munang idaan sa barangay ang iyong reklamo. Hindi mo naman kailangang mangamba kung hindi magiging patas ang kapitan ng inyong barangay sa iyo dahil kailangan mo lang humingi ng Certificate to File sa barangay kung sakaling walang mapuntahan ang naging pag-uusap ninyo ng iyong kapitbahay.
Ang Certificate to File ang iyong magiging katibayan sa korte o sa piskal na dumaan ka sa barangay bago mo isinampa ang kaso." - https://www.affordablecebu.com/