Gusto po sana naming magpakasal ng boyfriend ko sa lalong madaling panahon dahil nakatakda na po akong umalis ng bansa. May nakita po ka-ming karatula ng isang abogado malapit sa amin na bukod sa pagnonotaryo ang iniaalok na serbisyo ay nagkakasal din daw sila. Gusto ko sanang malaman kung nagkakasal din ba talaga ang mga abogado?—Kaye
Dear Kaye,
Walang kapangyarihang magkasal ang mga abogado maliban na lamang kung sila ay kasalukuyang naninilbihan bilang judge o huwes. Tandaan na ang kapangyarihang magkasal na ito na iginawad sa mga huwes ay limitado lamang sa lugar kung saan sila nanunungkulan.
Bukod sa mga huwes, ang mga sumusunod lamang ang may kakayahang magkasal, alinsunod sa ating Family Code at Local Government Code:
Mga pari, rabbi, imam, o ministro ng anumang simbahan o sekta na binigyan ng pahintulot ng kanilang relihiyon, nakarehistro sa civil registrar general, at umaakto ng naayon sa kapangyarihang iginawad sa kanila ng kanilang simbahan o sekta. Kailangan din na ang isa sa mga ikakasal ay kabilang sa relihiyon ng opisyal na nagkasal sa kanila;
Kapitan ng barko o punong piloto ng isang eroplano, kung ang ikakasal ay kanilang mga pasahero o tripulante at ang isa sa kanila ay nasa bingit na ng kamatayan;
Military commander kung walang chaplain sa lugar ng military operation. Maaari siyang magkasal mapa-miyembro man ng militar o sibilyan;
Consul general, consul, o vice-consul sa pagitan ng mga Pilipino sa ibang bansa; at
Mga mayor sa lugar na kanilang nasasakupan.
Kailangang siguraduhin na may authority o kapangyarihan ang magkakasal sa inyo ng nobyo mo dahil kung wala sa mga nabanggit ang nagkasal sa inyo o kung nabanggit man ay may taliwas sa kondisyong nakasaad sa batas (halimbawa, ministrong nagkasal ng mga hindi miyembro ng sektang kanyang kinabibilingan) ay dahilan ito upang mapawalang-bisa ang inyong kasal." - https://www.affordablecebu.com/