Sinubukan ko pong iparehistro ang deed of sale ng nabili kong lupa na matagal ko na rin namang inookupa ngunit napag-alaman ko na ibinenta pala ulit ng pinagbilhan ko ang lupa sa kapatid niya matapos itong ibenta sa akin at napatituluhan pa ito sa pangalan noong kapatid. Ano po ba ang maaari kong gawin upang maprotektahan ang karapatan ko sa lupa? —Andy
Dear Andy,
Maaari mo pang mahabol kung mapapatunayan mo sa korte na isa kang ‘‘buyer in good faith” at kung mapapatunayan mo na “buyer in bad faith” ang pinagbentahan ng lupang nabili mo na.
Ano ba ang isang “buyer in good faith”? Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Calma v. Lachica (G.R. No. 222031, 17 November 2017), isa kang buyer in good faith kung noong binili mo ang ari-arian ay wala kang kaalam-alam na may iba pa palang naghahabol o nang-aangkin sa iyong binili.
Dapat din na binili mo sa tamang presyo ang ari-arian upang matawag ka na isang “buyer in good faith.”
Kung isa kang “buyer in good faith”, maaaring may habol ka sa lupang iyong binili. Alamin mo muna kung isa rin bang “buyer in good faith” ang naunang nagparehistro ng lupa.
Imbestigahan mo kung binili ba niya ang lupa kahit alam niyang nauna mo na itong binili. Kung hindi siya buyer in good faith, maaari kang magsampa ng petisyon sa korte upang ipakansela ang titulo at mailipat ito sa pangalan mo.
Kung napag-alaman mo namang isang “buyer in good faith” ang nagparehistro ay malabo nang mahahabol po ang lupa ngunit maaari mo namang sampahan ng civil case ang nagbenta sa iyo upang mabawi ang ipinambayad mo at para na rin sa danyos na idinulot sa iyo ng inyong transaksyon.
Maaari mo rin siyang sampahan ng kasong kriminal katulad ng estafa para sa panlolokong ginawa sa iyo." - https://www.affordablecebu.com/