Maaari ko bang sampahan sa magkakaibang lugar ang nanloko sa akin upang mahirapan siya sa pagsagot sa mga demanda ko? —Ally
Dear Ally,
Kung ang mga kasong isasampa mo ay patungkol sa magkakaibang insidente o transaksyon ay maaari mong sampahan ang nanloko sa iyo sa magkakaibang lugar, depende kung criminal o civil case ang nais mong isampa.
Kung criminal case ang balak mong isampa, kadalasan ay sa lugar lang ng pinangyarihan ng krimen mo maaring isampa ang kaso kaya hindi ka makakapamili ng korte.
Kung civil case naman, makakapamili ka sa korteng malapit sa lugar kung saan ka nakatira o sa korteng malapit sa tinitirhan ng iyong ihahabla.
Ngunit kung ang tinutukoy mong mga kaso na balak mong isampa ay patungkol lamang sa iisang insidente o batay sa iisang transaksyon lang ay hindi ka maaring magsampa ng magkakahiwalay na kaso ukol dito sa magkakaibang mga lugar.
Forum shopping na ang tawag diyan na mahigpit na pinagbabawal ng batas. Masasabing may forum shopping kung ang dalawang kasong nakasampa ay sa pagitan ng parehong mga partido at ukol sa magkakatulad na isyu.
Dahil sa pagkakapareho ng mga partido at isyu sa dalawang kaso, ang desisyon sa isa ay naaangkop din sa isa.
Ipinagbabawal ang forum shopping dahil lumalabas na paulit-ulit lang na isinasampa ang isang demanda sa magkakaibang lugar sa pag-asang may korteng papanig sa nagreklamo at upang guluhin lang ang inirereklamo.
Bukod sa magdudulot ang gawaing ito sa pagdami ng mga kasong kailangang desisyunan ng mga korte, magugulo rin nito ang sistema ng batas sa ating bansa dahil maaaring magkaroon ng magkakaibang desisyon ang magkakaibang korte sa parehong mga kaso." - https://www.affordablecebu.com/