Ugaliing mag-impok
(Joint message of Education Secretary Br Armin Luistro FSC and Bangko Sentral Governor Amando Tetangco, Jr for the "National Savings Consciousness Week 2013" to be read at the flag-raising ceremony of elementary schools on Monday, July 1, 2013)
Magandang umaga sa inyong lahat.
Mula Hunyo 30 hanggang Hulyo 6 ay ipinagdiriwang natin ang National Savings Consciousness Week. Sa linggong ito ay ipapaalala sa atin ng Bangko Sentral ng Pilipinas at ng Department of Education, sa pamamagitan ng ating mga guro, ang kahalagahan ng pag-iimpok.
Ginagawa natin ito sapagkat ang pagiging masinop at matipid ay mahalagang matutunan hindi lamang ng kabataan, kundi ng lahat ng Pilipino.
Kung may pera tayong natatanggap, ugaliin nating huwag gastusin itong lahat. Magtabi tayo ng kahit kaunti. Ang baryang nakukuha natin bilang sukli at ang perang natitira sa ating baon araw-araw o linggo-linggo ay hindi naririyan para lamang ubusin. Itabi natin ito nang sa gayon ay may magagamit tayo kung may kailangan o gusto tayong bilhin.
Maari tayong magkaroon ng alkansya - kahit lumang kahon o lata - na maitatago sa ligtas na lugar at pupuwedeng pag-ipunan ng barya. Pwede rin tayong magbukas ng account sa banko para hindi lamang ligtas ang ating pera, kumikita pa ng interes.
Maaring naaalala pa ninyo ang "Tulong Barya Para sa Eskwela" noon. Barya-barya lamang ang hiningi natin ngunit umabot ito ng 15 milyon piso. Maaring hindi umabot ng 15 milyon ang ipon ninyo sa alkansya ninyo ngunit mahalagang tandaan na hindi natin dapat maliitin ang barya
.
Ang pag-iimpok ay isang ugali na dapat makasanayan. At ito'y hindi magiging gawi kung hindi natin ito gagawin araw araw. Kaya't ating tandaan, hindi lamang ngayong "National Savings Consciousness Week" ngunit sa araw-araw.
Maraming salamat at magandang umaga!
- https://www.affordablecebu.com/