Home » Articles » Literature

Sanaysay Tungkol Sa Tunay na Kagandahan

Pag usapan natin ang Tunay na Kagandahan, isang usaping kalimitang nagiging paksa sa mga sanaysay, panayam, dayalogo, nobela, gayunman sa pelikula, at higit sa lahat sa mga debate sa iba’t ibang panig ng daigdig. 

Dahil nga naman, sino ba ang matutuwang tawaging pangit? Ikakagalak ba ng karamihan kung maiaalis nila ang mabuting pananaw mo sa iyong sarili nang dahil sa iyong pisikal na anyo? Ano ba ang nagbibigay katuturan sa pag iral mo sa mundo?

Ating tingnang muli ang tunay na sukatan ng kagandahan suot ang panibagong mga mata sa tunay na depinisyon nito. 
Sanaysay Tungkol sa Tunay na Kagandahan


Ano nga ba ang batayan ng kagandahan?

Kung iyong napapansin, maraming bagay ang nakaka-iimpluwensya sa kung ano ang magiging basehan ng tao sa batayan ng kagandahan. Ilan sa mga napansin ko ay mga impluwensya ng panahon, impluwensyan ng kultura at nakagawian, at impluwensyang galing sa mga taong matatapang na nagpapauna ng uso o depinisyon sa kung ano ang kaaya-aya sa mata. Mayroon ding impluwensya na naaayon sa personal na gusto at pananaw ng tumitingin. 

Ating talakayin ang bawat isa. 

Impluwensya ng Panahon 

Kung matagal-tagal ka na ring nananatili sa mundo, marahil ay iyong napansin na ang basehan ng kagandahan ay nagbabago ayun sa panahon. Kung iyong pag-aaralan ang sinaunang panahon, ay malalaman mo’ng naging iba't iba ang basehan nila ng kagandahan. 

Halimbawa, noong araw, sa dakong kanluran, makikita natin ang mga anyong taglay ng mga kalimitang nagiging paksa ng ubra maestra ng mga maestro ng sining.  Tila iyon ang nagiging huwaran ng kung ano’ng matatawag nilang kaaya-aya sa kanilang mga mata. May mga dokumento din na bumabanggit o nagpapahiwatig sa kung ano ang basehan nila para masabing ang isang nilalang ay maganda. 

Marahil sa panahong iyon, ang modelo ng kagandahan ay naaayun sa kung ano ang tanggap na o nakakalugod tingnan na makikita sa paligid. Kadalasan ay makikita mo ang mga mapuputlang balat at medyu malulusog na pangangatawan na makikitaan ng kunting taba lalo na sa imahe ng babae at bata. Malayo sa matataas at mapapayat na imaheng nakikita natin sa mga magazine sa modernong panahon. 

Katulad din ito sa  panahon ng dekadang ‘80 at ’90. Maganda sa paningin ng karamihan ang babaeng mabibilog ang pangangatawan at braso. Sa kasalukuyang panahon naman, ay mas pipiliin natin ang mapapayat na pangangatawan na may matutulis o kaya’y maskuladong braso. 

Impluwensyang ng Kultura

May mga batayan na sadyang nakasanayan sa kung ano ang tanggap ng isang lahi. Ngunit ang nakakatawa dito, ay kadalasan, mas gugustuhin ng tao kung ano ang wala siya. Kadalasan nito ay mas gugustuhin nilang maging katulad ng anyo ng ibang lahi. 

Ang pangyayari ito ay makikita natin sa iba't ibang dako ng mundo. Katulad nalang ng sa mamamayang Pilipino mismo. Hindi natin maipagkakaila na karamihan sa atin gustong pumuti dahil nakikita natin ang mapuputing balat ng mga dayuhan at nasasabi natin sa ating mga sarili na ito'y maganda at kaaya-aya. Malaking impluwensiya din ng ating pananaw ang batayan na minodelo ng ating mga mananakop. 

Sa ibang dako naman ng mundo, ay kinaiinggitan ng ibang lahi ang kulay ng ating balat.  Halimbawa, sa dakong kanluran sa modernong panahon, may mga lahing mas gugustuhing maging kulay kayumanggi dahil ayaw nilang magmukhang maputla. Tila ito ay kaakit-akit sa kanilang mga mata. 

Ganito ang karamihang makikita natin sa mga lahing mapuputi sa kasalukuyang panahon. Kung makikita mo sa mga "Social Media accounts" ngayun, gaya ng Instagram, maraming mapuputing lahi ang naglalagay ng "bronzer" o kaya'y nagbibilad ng araw o humaharap sa “tanner” upang magkulay kayumanggi. Marahil dahil ito ay tila “hindi ordinaryo” sa kanilang paningin kaya nagiging mas nagiging kaakit-akit tingnan.


Sadyang nakakamangha ang pagkakaiba sa dipinisyon ng kagandahan ng iba't ibang lahi. Halimbawa nalang ay ang malaking kaibahan ng depinisyon ng kagandahan sa China kung ikokompara sa depinisyon ng kagandahan sa Estados Unidos o Amerika. Kung iyong papansinin at titingnang maigi, ang mga imahe na nakakalat sa "social media,” gaya nga ng Instagram, maiintindihan mo ang sinasabi ko. 

Sa China ay kinaiinggitan ang mapuputing balat, malalaking mata, maliliit na labi, at mapapayat na pangangatawan. Mas gusto nila ang inosente at kyut na imahe kesa iyong sa mapangahas at seksi. Katulad ng pagsusuot ng mga damit na may mga kyut na karakter. Halimbawa ay ang pagsusuot ng mga malalaking T-Shirt na naka-emprenta si Mickey Mouse o kaya ay si Tweety Bird o kaya ay kyut na pusa o aso. 

Sa Amerika naman ay mas pinapahalagahan ang "multicultural" na hitsura. Nagagandahan sila sa tila ba may halong iba't ibang lahi na anyo, gaya nalang ng mapuputing may lahing Asyano, o maputuing may lahing middle east, o yong mai halong maitim. Mas gusto nila 'yong mapangahas na imahe, katulad ng pagkakaroon ng matutulis na tabas ng kilay, malalaking labi, katawang nag-mala “hour glass figure” sa liit ng baywang, magandang hubog ng suso at puwet, at pananamit na kitang kita ang hubog ng katawan. 

Impluwensya ng mga Nagpapauna ng Uso at Stilo

May mga taong likas na mataas ang kompyansa sa sarili at gustong ipakita ang sariling ekspresyun. Mayroon ding tila itiniturin ang sariling anyo, pananamit, o kahit ang stilo ng pamumuhay na mas kaaya-aya kompara sa iba. Katulad nalang ng nabanggit ko sa itaas na talata ukol sa ating mananakop. Maaaring may ibang lahi na ang sariling pananaw at paniniwala ay mas kalugod-lugod silang tingnan. Mayroon din namang ibang sadyang masining at matapang na kayang ipahayag ang kagalakan nila sa kung ano ang nasa kanilang imahinasyon. At ang iba naman ay may pag intindi sa iba't ibang anyo ng kagandahan. 

Kalimitin, ang mga taong ito ay hindi takot na ipakita at yakapin ang kanilang kaanyuhan. At ang kompyansa nila sa sarili na kadalasay pinapahiwatig nila ng may galak at masining na pamamaraaan ay ang syang nagbibigay ng impresyon sa ibang tao na maganda silang tingnan, dahil sa kompyansa nila sa kanilang sarili, at tila alam nila ang kanilang ginagawa. O di kaya’y baka alam nila ang batayan ng kagandahan. Ang kompansyang dala nila ay nakakahawa, at tila ba nag kokombinse sa atin na ang kanilang paniniwala ay ang syang katanggap-tanggap na sukatan ng kagandahan dahil matapang nila itong pinapakita at pinapanindigan. Hindi maiiwasang ito ay hangaan at dahilan na madaling gayahin ng iba at kalaunan nama’y s’yang magiging basehan ng karamihan.

Impluwensyang ng Sariling Pananaw ng Tumitingin

Ito ang kadalasang nating naririnig o nababasa: "Beauty is in the eye of the beholder." At tutuo naman. Ang bawat tao nga naman ay may sariling opinyon sa kung ano sa tingin niya ay maganda sa kanyang pananaw. 

Kunwari nalang ay sa sariling pananaw ng magkakaibang tao ukol sa kung ano ang mas magandang hubog ng katawan, katulad ng sa hugis ng hita. Kasalukuyang nauuso ang payat na hita na ala galing ehersisyo sa gym lang at halatang pinagpaguran. Maraming mas gustong tingnan ang mas mapapayat na hita ng mga babae gayong ang iba naman ay mas gustong mas mabibilog at malalaki ito. 

May mga gusto ng masisingkit na mata. Mayroon namang mas gusto ang may malalaking mata. Ito ay nakadepende lang kung ano ang sa tingin ng isang tao ay maganda para sa kanya. Kaya masasabi din natin na sa bawat nilalang na nilikha ay may nilikha ring mga nilalang na syang hahanga sa angking ganda nito. Bagama’t kung iyong mapapansin, ang kanilang mga pananaw ay naaayun parin sa kung ano ang kalimitang basehan ng kagandahan sa kasalukuyang panahon. 

Ano pa man, ang panglabas na anyo ay limitado lang ng haba ng panahon at ito ay maglalaho rin sa pagdating ng araw. At ang tanging matitira ay kung ano ka, ang tutuong pagkatao mo. 

Ang Pinakapangit na Babae sa Buong Mundo

Masasabi mo bang ikaw ay maganda kung ang iyong panglabas na anyo ay hindi naaayun sa kung ano ang kasalukuyang sukatan ng kagandahan? 

Tulad nalang ng babaeng binansagang "Ang Pinakapangit na Babae sa Buong Mundo.” Ng dahil sa isang di-pangkaraniwang kondisyon ng kanyang kalusugan kung saan ang kanyang katawan ay hindi nakakaipon ng taba, naapektuhan ang kanyang hitsura. Noong napanuod ni Lizzie ang isang Youtube video na nagbansag sa kanya ng ganoong label, imbis na umiyak nalang ng umiyak at malunod sa kalungkutan, ito ay nag-udyok sa kanya na hind maging biktima sa maling pananaw ng mga tao, bagkus ay nagtulak pa sa kanya upang gawing misyon sa buhay na imulat ang ating mga mata tungkol sa tunay na kahulugan at sukatan ng kagandahan.  

Pinahiwatig ni Lizzie na ang panlabas na anyo ay hindi ang suma total na sukatan ng kanyang pagkatao, at ang kagandahang kanyang taglay. 

Dito rin natin makikita ang tunay na gandang taglay ni Lizzie na lumalabas sa anyong hindi natin makikita sa pisikal kundi sa kanyang mga pinapahiwatig at ipinapakita ng kanyang kalooban. Makikita nating siya ay isang taong may tiwala sa sarili, may mga pangarap tulad nating lahat, may mga natatanging talento at husay, mabuting kalooban at higit sa lahat, ay tapang na dapat tularan. 

Binahagi ni Lizzie ang kanyang kwento sa buong mundo at binago nito ang pananaw ng karamihan ukol sa tunay na kagandahan. Dahil siya ang nagsilbing buhay na paala-ala sa lahat na ang “Pinakapangit na Babae sa Buong Mundo” ay isang magandang nilalang sa loob at labas, na piniling magbigay ng pag-asa, lakas ng loob at magandang pananaw ukol sa paningin ng mga tao sa sarili nilang halaga, at patuloy niyang isinusulong ito.

Ang Katotohanan: Ang Tunay na Sukatan ng Kagandahan

Ano man ang pananaw mo sa iyong sarili, ang iyong halaga ay hindi nasusukat sa sa iyong hitsura o ano mang nakikita ng mata. Ang tunay na kagandahan ay makikita sa tiwala at kompyansa mo sa sarili, sa iyong pananaw kung sino at ano ka, ang mga pangarap at pananaw mo sa buhay, ang iyong pag-uugali, at kung paano mo sinusulong ang buhay at ang epektong maibabahagi mo sa mga tao.  

Nagiging espesyal ka dahil sa mga katangi-tanging taglay mo na hindi kailanman mauulit o magagaya pa ng sinumang nilalang na nabubuhay, pumanaw na o mabubuhay pa. Ang iyong mga natatanging kombinasyon ng mga lakas at kahinaan, mga gusto at ayaw, at mga pangarap at prinsipyo ay iyo lamang at wala ng makakagaya pa. 

Konklusyon

Sa suma-total, masasabi nating ang perspektibo ng tao sa batayan ng kagandahan ay parang musika na kalimitay naiimpluwensyahan sa kung ano'ng katanggap tanggap na "genre" mayroon sa kasalukuyang panahon. Ngunit ang "genre" naman ay naaayun din sa indibidwal na gusto ng nakikinig nito. Sa makatuwid, ang paningin natin sa kagandahan ay naaayun sa kasalukuyang impluswensya ng panahon at paligid at ang sariling perspektibo ng tumitingin nito. 

Higit sa lahat, ang tunay na kagandahan ay parang keyk lang. Magagara man at matatamis ang presentasyon ng aysing nito, ay timpla parin ng pinakaloob ng keyk ang magiging batayan kung ito ba ay iyong babalik-balikan. O kayay katulad din ng ginto. Makikita mo lang kung ito ba'y tunay, kung idadaan mo sa masusi o sukdulang proseso nang ito'y ganap na masuri. 

Ang kagandahan na sa anyong panglabas ay maglalaho rin sa pagdaan ng panahon, at ang matitira lang ay ang hubo’t hubad mong pagkatao: Ang iyong karakter at kalooban, ay iyong tunay na pagkatao. Doon natin masasabi kung ito ba’y nagbibigay galak at kalugod-lugod bang ibahagi sa mundo. Ang tunay na kagandahan—ang nasa ating kalooban---ay hindi kukupas, bagkos ay lalago at mananatili sa paglipas ng panahon. 

Bilang panghuli, dapat nating alalahanin, na ang tunay na basehan ng kahalagahan ng ating pagkatao ay hindi nakadepende sa kung ano ang opinyon ng iba sa ating mga hitsura o anyo, kundi sa kung ano ang pananaw ng Siyang Lumikha sa atin. Sa mata ng Siyang Lumikha, walang pangit, walang mas maganda. Lahat ay nilikha niyang naaayon sa kanyang layunin na magbibigay kaganapan sa  mahalagang papel na binibigay niya ng bawat isa sa atin. 

Tanging ang depinisyon ng Diyos lamang ang ating ganap na basehan dahil nilikha tayo ng walang halong biro at tinawag na anak. O, kung atin lang itong yayakapin at pagtutuonan ng pansin. Ating matatantiya na hindi natin kailangang mabuhay sa mga label, manliit sa sarili, o maging biktima ng maling pananaw ng iba ukol sa ating halaga o sa kung ano ang depinisyon ng tunay na kagandahan. Sa Maykapal lamang natin mahuhugut ang ating tunay na gandang taglay, ang tunay nating pagkatao, dahil Siya lang ang may ganap na alam sa tunay nating halaga at Siya rin ang may kakayahang ipakita ang tunay nating ganda sa mundo. 

Kaya, iha, iho. Ipagpalagay mo ang iyong loob. Dahil ang magandang balita ay maganda ka, higit pa sa iyong akala.   - https://www.affordablecebu.com/
 

Please support us in writing articles like this by sharing this post

Share this post to your Facebook, Twitter, Blog, or any social media site. In this way, we will be motivated to write articles you like.

--- NOTICE ---
If you want to use this article or any of the content of this website, please credit our website (www.affordablecebu.com) and mention the source link (URL) of the content, images, videos or other media of our website.

"Sanaysay Tungkol Sa Tunay na Kagandahan" was written by Mary under the Literature category. It has been read 12030 times and generated 1 comments. The article was created on and updated on 01 July 2018.
Total comments : 1
Mruxif [Entry]

buy atorvastatin 80mg online <a href="https://lipiws.top/">lipitor for sale</a> lipitor uk