Ang Hindi Makakalimutang Pangyayari
Pagkahaba-haba man daw ng prusisyon, kung matinik ay malalim.
Sa haba ng bakasyon na ibinigay sa atin para gastusin ang limpak-limpak na bonus na natanggap natin noong Pasko at para enjoyin ang Christmas season sa walang humpay na tagayan, lakwatsa, kainan, kasayahan, gimik o pagpapahinga ay natapos na din.
Bukas nga ay lalabas na ang lahat sa kani-kanilang mga bahay para pumasok sa kani-kanilang papasukan.
Sana ay naging masaya ang lahat sa mga araw na nagdaan at hindi mahirapang pumasok bukas upang harapin ang sandamakmak na trabahong naiwan o babalikan.
Kung ang iba sa atin ay medyo tinatamad pa dahil sa hangover ng nagdaang bakasyon ay ipinapayong magtiriis na lang ng taghiyawat sa bahay.
Ang bagong taon na nagdaan ay masaya naman kung ang pamilya namin ang pag-uusapan.
Bumili ng apat na letsong baboy ang tatay ko at iyon ang halos pinagpyestahan ng mga bisita.
Naghanda ng isang palangganang spaghetti ang Nanay ko at nagluto ng kaniyang pinakamasarap na bagoong na isinawsaw sa kare-kare.
Ang misis ko na hindi marunong magluto ay umorder na lang ng isang trak na barbecue at ipinadeliver sa bahay.
Ang nag-iisang anak ko ay hindi mapakali.
Naglaro ng PSP sa kwarto at pagkatapos ay tinawag ang aming family driver para magpahatid sa SPA.
Pagkatapos naman na gawing mga holen ang mga ubas at kastanyas sa pridyider ay pinaglaruan naman ng aking mga pamangkin ang grand piano na regalo ni Lolo at Lola.
Kasabay ito ng pag-suswimming ng mga pinsan ko sa aming two story swimming pool.
Ang mga ibang tita ko ay naghanda ng masarap na CHOP SUEY, kaldereta, fried chicken na baboy, morcon de la havana, estofado, embutido, menudo, mechado at kung ano ano pang Filipino recipes.
Ang mga mga tito ko naman kasama ang kanilang mga kaibigan ay nagkasya na lamang sa pagkanta ng videoke sa aming 105-inch colored tv kasabay ng pagtungga ng mga imported na alak na nasa aming bar.
Nakakaawa ang aming anim na katulong dahil sila ang maraming ginawa.
Si Angel ay nakatoka sa pagsasaayos ng 20 feet na Christmas tree.
Si Marian ang taga-estima at taga silbi sa daan-daang bisita.
Si Heart naman ay naging abala sa pagsasalansan ng mga regalo at pagtulong sa pagluluto ng labinlimang putahe pwera ang mga panghimagas.
Ginawa naman ni Maui ang paglilinis sa 12 bedroom house namin.
Kinakailangan niyang sumakay sa tricycle para makarating ng mabilis sa iba’t ibang kwarto.
Si Francine ay naging punong abala sa paglalagay ng mga dekorasyon at kinakailangang humingi ng tulong sa labinlimang tao para magawa ito.
At ang huli ay si Diana na gumawa ng eksena pansamanatala.
Nabasag niya ang antigong pigurin na nabili namin sa Africa!
Nagalit ang Mama ko at sinabunutan siya pagkatapos na ipaghampasan ang katawan sa pader.
Nagkagulo ang mga tao at dumanak ang dugo.
Nagkaniya-kaniyang hanap ng mga sandata para ipagtanggol ang sarili.
Parang gyera patani kung hindi lang dumating ang mga pulis at pinagbabaril ang mga tao.
Ang isang bisita ay naghagis ng granada at sumabog ng malakas. Boommm!!!!
Sa ganitong sitwasyon ay ginising na ako ng misis ko sa kama. Mag-aalas-dose na. Bagong taon na. Panaginip lang pala. - https://www.affordablecebu.com/