Home » Articles » Literature

Sanaysay Tungkol sa Ama

Narito ang isang sanaysay tungkol sa Ama:

Sanaysay Tungkol sa Ama

Sanaysay Tungkol sa Ama

Hindi natin maikakaila ang kahalagahan ng isang ama. Ni hindi na natin mapagtatalunan pa ang papel na ginagampanan nito sa tahanan at sa lipunan. Ano man ang papel mo sa buhay, sa tahanan at sa lipunan, o ang naging karanasan mo sa pagkabata at habang lumalaki, naway ang sanaysay na ito ay magbigay sa'yo ng aral at pang-unawa tungkol sa kahalagahan ng isang ama at ang mga iba't ibang aspeto nito. Nawa'y ito'y magbigay ng positibong impluwensya at epekto sa'yo, at magsilbing gabay sa mga desisyon mo sa buhay.

Gaano ba kahalaga ang isang ama?

Marahil ito ay madaling masagot sa pamamagitan ng pagtatanong ng isang kabaligtarang tanong. Gaano ba kahirap ang lumaking walang ama?

Kung ang ilaw ng tahanan ay walang haliging sinasandalan, paano niya ba nagagampanan ng maigi at mabuti ang kanyang mga tungkulin sa anak at pamilya? Kung siya ay kailangang mag alaga ng mga anak, ibigay ang atensyunng kailangan nito ng buo, tiyak at parati, ngunit kailangan ding magtrabaho para matugunan ang pangangailanang pinansyal ng mga ito? Gano ba kahirap ang tugunan ang iba pang aspeto sa pagpapalake at pangangalaga ng pamilya? Na maibigay ang pangangailangang pisikal, mental, emosyonal at gayun din ang pinansyal at pangkabuhayan upang maging buo ang pagtugon sa pangunahing pangangailangan ng mga anak at pamilya? Alin ba ang mas mahirap? Ang mag alaga ng mga anak na walang hanap buhay o mag hanap buhay na hindi naaalagaan ang mga anak? O ang kalituhan at mahirap na kalagayan na kung isa man nito ay hindi maibigay sa pamilya ay maaaring lalaki ang mga anak na nagtitiis at nasasaktan? O kaya naman ay mapariwara kung hindi mabibigyan ng sapat na atensyun at mga pangangailangan nito. Alin ba ang mas mahirap sagutin, sa mga tanong na ‘yan?

Para sa isang batang lumaking walang ama, gaano kaya kahirap na hindi nila ramdam o naranasan man lang papaano magkaroon ng isang tatay? Kung papaano ba siya mag alaga. Kung papaano niya ipadama ang pagmamahal niya sa kanyang mga anak at sa ina nila? Kung ano ang pakiramdam na may nagmamahal at nag aalaga sa nanay at sa mga anak? Na mai tumutugon sa pangangailangan ng lahat upang hindi mahirapan ang pamilya? Ano-ano kaya ang mga bagay na matutunan nila kung nandyan siya? Ano-ano kaya ang mga bagay na mas mapapadali dahil sa kanyang presensya? Ano kaya ang naging buhay at pangarap nila kung andyan lang siya?

Ngayun, sagutin nating muli ang tanong. Gaano ba kahalaga ang isang ama?

Sa simula't sapul ay alam natin ang papel na binigay ng Puong Maykapal sa isang ama. Nang siya ay lumikha ng tao, ang lalake ang pinakauna niyang nilikha. Siya ang tinalaga na mangalaga ng iba't iba pang nilikha ng Diyos. Nilagay ng Diyos ang kanyang tiwala sa kanyang nilikha at ito ay binigyan niya ng awtoridad at dominyon sa lahat ng bagay na makikita sa mundo sapagkat alam Niya kung ano ang Kanyang binigay at ano-ano ang mga kakayahan nito. Alam mo marahil ang sumunod na kwento.

Nang kanyang binigay ang babae sa buhay ng lalake, ay pinagkatiwala Niya sa lalake ang pangalawang taong nilalang na kanyang nilikha. Tugon niya ay pagmamahal at pag aalaga sa babae at hinabilin na sila ay magparami. Kahit pa ang dalawa ay nagkasala, ay hindi itinanggal ng Maykapal ang kanyang habilin at pagtitiwala na pangalagaan ng lalake ang kanyang asawa at ang kanyang magiging pamilya.

Kaya pwede nating sabihing hindi magiging ina ang iyong ina kung wala ang iyong ama.  Sa simula't sapul ay bitbit na niya ang kakayahan, ang responsibilidad, ang tugon ng Maykapal sa kanya.

Kaya naman ang ama ay itinuturing na haligi ng tahanan. Siya ang sandigan at inaasahan ng pamilya. Maraming kamanghang-manghang bagay na nagagawa ang ating Nanay para sa pamilya. Pero, kung iisipin mo, pano niya nagagampanan na maibigay sa iyo ang buo niyang atensyun, upang ika'y parating mabantayan, pangalagaan at dali daling tugunan ang iyong pangangailangan sa lahat ng panahon? Bagay na sadyang hangad ng lahat ng ina para sa kanyang pamilya. Siya ay nakakapagluto,  nakakagawa ng mga gawaing bahay at makakapaglaro sa'yo. Nagagawa niya ito ng walang balakid dahil sa tulong ng iyong ama. Ang ama ang pupuno sa mga iba pang pangunahing pangangailangan ng pamilya upang madaling ring matugunan ng ina ang kanyang alituntunin at nais sa pamilya. Nagagawa ng ina ang kanyang mga tungkulin ng hindi nahihirapan dahil at sa pamamagitan ng tulong ng iyong ama. Katulad ng aspetong pinansyal o pangkabuhayan, seguridad at kaligtasan ng pamilya. 

Ngunit, marahil sa ating henerasyon ngayun, ay nag iba na ang takbo ng mundo. Nakikita nating hindi na pinapapahalagahan ang pangunahing moral na pamantayan ng pamilya at lipunan. Hindi na nga ito sinusunod ng karamihan. Bagay na nakakasira at nakakaiwas na maitayo ang magandang pundasyon ng pamilya.

Kung noon ang relasyon at pag iibigan ay isang pangako na pinahahalagahan ng mga tao, at kung ang pag aasawa ay hindi kanin na kapag napaso o ayaw na ay iluluwa nalang sa pagkakasubo, ay ngayun ay dali dali nalang na tinatapon ng walang pagsusubok na ayusin ang problema o ang mali. Kung sa bagay hindi natin masisisi ang ibang naghiwalay dahil nga mas wala ng kagustuhan ang mga tao ngayun na baguhin ang sarili alang alang sa pamilya, kahit na sila ay nagiging abusado na. Kaya nararapat lang din na ipagtanggol lalo na ng mga kakabaihan ang kanilang mga karapatang pangtao kung sila ay hindi na nirerespeto katulad ng dati, at katulad ng pagrespeto ng mga lalake noong unang panahon sa mga babae. Meron ding mga babaeng nagiging mas materyal at “independente” dahil mas may kaya na silang gawin sa mundo ngayun at sila ay pinahahalagahan na ng lipunan sa mundo ng malalaking komersiyo at korporasyon. At kaya na nilang gawing “lahat” ng mag isa.

Dahil sa pagbabago ng panahon, ng mga pamantayan at mga pinapahalagahan ng tao ngayun, ay nagbabago din ang daynamiko ng pamilya. Dahil sa pagkakahiwalay ng pamilya at pagiging modern nito, na kadalasan ay hindi na naaanlintana ang hirap na dinadanas ng mga bata sa hindi kompletong pamilya, ay hindi maiwasang maraming mga batang nagiging parewara o lumalaki na masasabing may deperensya sa paguugali ngayun. Ayun sa pag aaral ng mga dalubhasa sa Ugaling Pangtao at Sikolohiya, 75% ng pasyente ng adiksyun sa droga at alcohol ay galing sa mga tahanang hindi nakagisnan ang ama, at iba pang mga statistika na nagpapakita ng epekto ng kawalan ng presensya ng ama o isang tumatayong ama ng tahanan. Ito ay mga puot, mga negatibong nararamdaman, na nalilikom at na nababaon sa kinaibuturan ng damdamin isang bata o tao, na akala'y nakalimutan na ngunit hindi masasadyang maipapahiwatig sa kanyang pamimili, paguugali o pakikisama sa mundo. Kaya maliban kung ito ay mapapansin at maaagapan ng isang mapanatang magulang, o mga malalapit na mahal sa buhay, ay magpapatuloy na sasagi lage ito sa buhay ng bata. Ang solusyon dito ay ang pagtanggap sa sitwasyon at taimtim na kapatawaran.

Sa mga nagkaroon naman ng ama, tinituring nila na ang kanilang buhay ay dahil sa pagsusumikap ng kanilang ama at ina. Kung nakapagtapos sila ng pag aaral ay ito ay malaking pasasalamat nila sa kanilang magulang. Kung naging disiplinado sila, magalang at may takot sa Diyos at respeto sa kapwa, ay mas napapahalagahan nila ang mga sakripisyo ng ama at ina. Hindi man lahat ng bata ay nagiging matuwid kahit kompleto at mababait ang magulang, gayung hindi ring lahat ng lumaking walang ama o wala ang presensya ng isang magulang ay lumaking rebelde o parewara, masasabi pa din na sila ay nagpapasalamat sa hirap at sakripisyo at presensya ng bawa't magulang nito. May alaala silang bitbit tungkol sa magulang at kadalasan ay ito ay natural na kanilang pinapasasalamatan habang buhay. At kadalasan, hindi natin masisi na sila ay masayahing tao.  

Hindi man naging madali o perpekto ang buhay ng isang inang walang kabiyak na tumutulong na tugunan ang pangangailangan ng pamilya o mga batang walang ama, ay humahanga naman tayo sa tibay at lakas ng loob nila na harapin ang buhay na taas noo at mai pag asa. Nawa ay tumulong tayo na mapagaan ang dinadala ng iba sa pamamagitan ng hindi pag husga sa ating kapwa at pagbibigay saya at pag asa sa mga pakikibaka nila sa buhay.

Kaya ibalik natin ang tanong natin sa umpisa pa lang. Gaano ba kahalaga ang isang ama?

Ang ama ay nagsisilbing unang haligi na siyang dahilan upang tumayo ang gusali—ang tahanan. Dahil siya ang sandigan ng pamilya. Dahil sa kanyang lakas, dunong at tatag sasandal ang asawa at mga anak. Siya ang kagalakan ng kanyang asawa. At siya ang gabay ng kanyang mga anak. Siya ang modelo ng isang binatilyo para mahalin ng tapat ang kanyang magiging kabiyak sa hinaharap, at maging responsableng asawa, ama at miyembro ng lipunan. Siya din ang magiging modelo ng ulirang asawa at ama na hahanapin ng dalagang anak sa kanyang pagpili sa magiging kasintahan at kabiyak balang araw. Siya ang magiging sukatan ng tunay na lalake dahil ito lang ang tanging nalalamang pamilyar sa kaibuturan ng mga puso ng kanyang mga anak tungkol sa isang lalake, pagiging asawa at pagiging ama. Kaya tinatawag ang ama na isang haligi. Dahil siya ang magtatakda sa moral na pamantayan sa isang tunay na lalake, ulirang asawa at ama. Pag wala ang isang haligi, at kung hindi pantay ang mga ito, ay nanganganib gumuho ang gusali kung sakaling dumating ang mga kalamidad na susubok sa katatagan nito. Dito natin masasabi na sadyang dinesenyo ang dalawang nilalang, ang ama, ang ang ina, para magtulungan at para maitaguyod ng mabuti ang kinabukasan ng hinaharap na henerasyon.

Kaya ganoon na lang ka importante na gawing mabuti ang papel na ginagampanan ng isang ama.

Kung ikaw ay isang binatilyo na lumalaki pa lang, nawa ay iyong palaging alalahanin na nasa kamay mo ang kinabukasan ng batang iyong magiging anak at ang kaligayahan ng babaeng iyong magugustuhan. Kaya dapat ngayun pa lang ay matuto kang pangalagaan ang pinangalagaan ng ibang palakihin at bigyan ng saya. Nawa ito ay lagi mong isaisip. Na ang responsibilidad na magbigay ng mabuting hinaharap sa susunod na henerasyon ay nasa mga iyong mga kamay simula’t sapol pa lamang.

Kung ikaw ay isang taong lumaking walang ama, o ina, sana ay wag kang mawalan ng pag asa. Naging mapait man o masalimuot ang buhay mo, sana ay hindi mo kimkimin ang puot at dismaya sa iyong puso na marahil ay matagal mo ng dinadala. Dapat mo itong pakawalan. Nawa'y matuto kang magpatawad sa hindi naibigay ng magulang, ng panahon o ng ibang tao sa iyo. Kahit hindi naging lubhang masaya ang naranasan mo sa nakalipas, meron pang bukas at ngayun. Katungkulan mo sa iyong sarili na palayain ang iyong puso sa puot at kalungkutan o sa pagdama ng kabiguan dahil kailangan mo'ng palayain ito upang maibigay sa sarili mo ang ganap na kaligayahan na naghihintay pa sa'yo simula ngayun. Ang Diyos ang mag aaahon sa'yo. At siya ang mag-aayos ng lahat ng nasira sa buhay mo upang tuluyan mong makamit ang kapatawaran at kaligayahang ganap sapagkat lahat ng sira ay kanyang naaayos at kinukulayang muli ng ganda, halaga at kagalakan. Magtiwala ka at lumapit sa Kanya.

Kung ikaw ay isang dalaga na lumalaki na at balang araw ay makakatagpo ng mamahalin mo, nawa'y makita mo ang magmamahal sa'yo ng tunay, hindi alintana kung ano ka man o paano ang kalagayan at karanasan mo sa buhay. Ang lumang gintong aral na parang sirang plakang pabalik-balik na pinapasa ng henerasyon sa henerasyon ay tutuong tutuo hanggang ngayun. Na ang pinaka sektreto sa iyong ganap na kagalakan sa iyong buhay may asawa sa hinaharap, ay ang pagpili mo ng maigi sa iyong magiging kabiyak. Piliin mong maigi kung sino ang bibigyan mo ng pagkakataon na mahalin ka at mamahalin mo. Dahil siya ang mag iimpluwensya sa iyong mga karanasan at kasiyahan sa buhay. Siya ang magiging pamilya mo sa hinaharap. Wag kang matakot na pumili na nababase sa iyong mga pinapahalagahan. Maging tutuo ka sa sarili mo sa kung anong tunay na mahalaga sa iyo at sa buhay na magdadala ng tunay na kagalakan at kasiyahan. Isang payo: ito ang taong responsable, mai disiplina at pinalaki ng maayos ng magulang. Piliin mo ang may respeto at malalim pagpapahalaga sa pamilya dahil siya ang magiging taong tatawagin ng iyong mga anak na ama.

Kung ikaw ay isang ama na sa tingin mo ay hindi nagampanan ang tungkulin ng mabuti sa kanyang pamilya, ay may panahon ka pa para makapagbigay ng saya sa iyong asawa at mga anak. Ang paghingi ng patawad at pag tuwid mo sa mga mali ay hindi magiging madali ngunit ito ay magiging sulit at magdadala ng tutuong kagalakan ng iyong pamilya.

Kung ikaw isang ina na nasaktan ng iyong kabiyak o dating mahal sa buhay, ay may panahon pa na maibigay sa sarili mo ang ganap na kalayaan at kasiyahan. At ito ay ang pagpapatawad. Ang pagpapatawad ay hindi man karapat-dapat sa taong bibigyan mo nito, ito naman ay isang bagay na karapat dapat na maibigay mo sa sarili mo. Ang pagiging malaya sa puot ay magbibigay sa iyo ng ganap na kalayaan na maghahatid din sa iyo sa tunay na saya at galak. Tutulungan ka ng Diyos para maging masaya at makabangon. Siya ang magbibigay sa Iyong mga pangangailangan basta’t idalangin mo lang at pagkatiwalaan mo Siya sa lahat ng bagay. Makikita mo man o hindi ang maaaring susunod mong mamahalin na maaaring magmamahal sa iyo ng tutuo at tunay na tutulong at aagabay sa'yo sa pagharap sa mga hamon ng buhay, nawa ay gawin mo ang naaayun sa Diyos una sa lahat dahil Siya ang tunay na magbibigay ng kasiyahan at kagalakan sa iyong puso na hindi mananakaw ninuman, at Siya rin magpapasya kung ang isang bagay ay para o nararapat ba sa 'yo. Nawa'y maging kagalakan mo ang Panginoon bilang iyong Ama at Asawa sa iyong buhay at sa ibang dako.

Sa mga ama, magiging ama pa, at tumatayong ina at ama, mabuhay kayong lahat!

Nawa'y nagsilbing kapupulutan ng aral at inspirasyon ang sanaysay na 'to sa'yo.

- https://www.affordablecebu.com/
 

Please support us in writing articles like this by sharing this post

Share this post to your Facebook, Twitter, Blog, or any social media site. In this way, we will be motivated to write articles you like.

--- NOTICE ---
If you want to use this article or any of the content of this website, please credit our website (www.affordablecebu.com) and mention the source link (URL) of the content, images, videos or other media of our website.

"Sanaysay Tungkol sa Ama" was written by Mary under the Literature category. It has been read 66359 times and generated 2 comments. The article was created on and updated on 21 December 2017.
Total comments : 2
Red [Entry]

maraming salamat po, nakatulong po ito sa aking takdang aralin.
Lovella Baron Bacor [Entry]

Amen.
Maraming salamat sa sanaysay na ito.
Magaling ang tagsulat.
Totoo na kahit wala man tayong matatawag na ama dito sa mundo, ay meron tayong Banal Na Ama na nasa langit na laging nakabantay at umaalalay sa atin handang sumalo sakaling mahulog man tayo sa bangin ng kasalanan. Higit sa lahat meron tayong Ama na nagbuwis ng KAnyang mahal na dugo upang tayo ay magkaroon ng pag-asa na mabuhay hanggang sa walang hanggan kasama Niya. Kilangan lamang natin Siyang sundin kung anuman ang mga pangaral at turo NIya na makikita at mababasa natin sa Banal na Aklat - ang Bibliya.