Walong taon na po kaming nagsasama ng live-in partner ko. Dahil wala pong maiiwan sa bahay para sa dalawa naming anak ay pinili ko pong tumigil sa pagtatrabaho upang ako na ang mag-alaga sa kanila. Gusto ko lang po sanang malaman kung may habol ba ako sa mga naipundar ng kinakasama ko sakaling maghiwalay kami? Wala kasi akong naiambag sa pagbili ng mga ari-arian namin ngayon dahil nga wala naman akong trabaho. --Anne
Dear Anne,
Kung wala namang balakid sa inyong dalawa upang ikasal at talagang pinili n’yo lang na hindi maikasal ay makikita sa Article 147 ng Family Code ang sagot sa iyong katanungan.
Ayon sa nasabing probisyon, kung wala namang salungat na pruweba ay ipagpapalagay ng batas na may kontribusyon ang parehong mag-partner sa mga ari-ariang naipundar nila habang sila ay namumuhay ng magkasama at magiging patas ang hatian nila rito. Ipagpapalagay din ng batas na mayroong naging kontribusyon ang isang kapareha na bagama’t walang naiambag na pambili sa mga ari-ariang naipundar ng kanyang kinakasama ay siya namang nangalaga sa pamilya at sa kanilang tahanan.
Kaya huwag kang mag-alala na mauuwi sa wala ang ginawa mong pagsasakripisyo nang piliin mong tumigil sa pagtatrabaho dahil malinaw sa batas na kahit wala kang ambag sa mga biniling ari-arian ng kinakasama mo, kahati ka pa rin sa pagmamay-ari ng mga ito bilang pagkilala ng batas sa kontribusyon mo sa inyong pagsasama bilang tagapag-alaga ng inyong mga anak.
Sana’y nasagot ko ang iyong katanungan. Paalala lamang sa mga mambabasa na ang payo na nakasaad dito ay base lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi maging angkop sa ibang sitwasyon." - https://www.affordablecebu.com/