Binantaan po kami ng nagsasabing may-ari ng lupang kinatitirikan ng bahay namin na sasampahan niya kami ng kaso upang kami ay mapaalis na. May karapatan po ba siya gayong halata naman na peke ang titulong ipinakikita niya sa amin? Maari ko po bang idahilan iyon sa korte sakaling matuloy nga ang pagdedemanda niya? -- Gerry
Dear Gerry,
Hindi mo nabanggit kung paano mo nasigurado na peke ang titulo ng taong umaangkin sa lupang tinitirhan n’yo ngunit mapa-peke man ang titulo o hindi, hindi mo maaring kuwestiyunin kung totoo ba ang titulo bilang depensa mo kung sakaling magsampa na siya ng kasong ejectment laban sa iyo upang kayo’y mapaalis.
Matatawag kasing isang “collateral attack” sa titulong pinanghahawakan ng nagpapaalis sa inyo ang pagsasabing peke naman ang titulo. Ipinagbabawal ito sa ilalim ng Section 48 ng Presidential Decree 1529 na nagsasaad na maari lamang mapawalang bisa ang isang titulo kung magsasampa ng kaso na para mismo sa pagpapakansela nito. Hindi ito maaring makansela sa pamamagitan ng isang demanda na isinampa para sa ibang layunin, katulad ng ejectment sa sitwasyon mo.
Ito ang dahilan kung bakit hindi mo magagamit na depensa ang iyong alegasyon na peke naman ang titulo ng nagpapaalis sa inyo dahil wala namang kapangyarihan ang korte na magdeklara ukol sa validity ng titulo kung hindi naman para sa kanselasyon ng titulo ang isinampang kaso. Kung ejectment ang demanda sa iyo, titingnan lang ng korte kung sino ba sa inyong dalawa ang mas may karapatan na umokupa sa lupa base sa mga ebidensiyang ipipresenta ninyo.
Sana’y nasagot ko ang iyong katanungan. Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad na payo rito ay base lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon." - https://www.affordablecebu.com/