Namamasukan pong kasambahay ang kapatid ko. Mga tatlong buwan na po siya sa amo niya ngayon ngunit wala pong nababanggit sa kanya ukol sa pagbabayad ng kanyang SSS contribution. ‘Yung dati po kasing amo ng kapatid ko ay binabayaran ang SSS niya kaya gusto sana niyang malaman kung karapatan ba niya bilang kasambahay na bayaran ng kanyang amo ang kanyang SSS. —Jenilyn
Dear Jenilyn,
Oo, katulad ng ibang employers ay kailangang bayaran ng amo ang buwanang SSS contribution ng kanyang kasambahay. Malinaw sa Republic Act 7655 na kailangang kasali sa coverage ng SSS ang mga kasambahay na tumatanggap ng hindi bababa sa isang libong pisong (P1,000) sahod.
Pinagtibay pa ng Republic Act 10361 o Batas Kasambahay ang mandatong ito dahil nakasaad sa nasabing batas na sasagutin ng amo ang buong halaga ng buwanang kontribusyon sa SSS ng kanyang kasambahay kung nakakatanggap ito ng mas mababa sa limang libong pisong (P5,000) sahod kada buwan.
Mahalagang maipaalam sa amo ng kapatid mo na kailangan niyang bayaran ang nararapat na kontribusyon sa SSS ng kapatid mo dahil maari siyang maharap sa pagkakabilanggo at multa dahil sa paglabag niya sa mga nabanggit na batas." - https://www.affordablecebu.com/