May kapitbahay po akong nagkakalat ng tsismis na ako raw ay may COVID-19. Narinig siguro niya na nagpa-swab test ako kaya siguro inakala niyang mayroon na akong COVID kahit nagnegatibo naman ang test results ko. Maaari ko ba siyang kasuhan sa pagkakalat niya na may sakit ako? —Emily
Dear Emily,
Oo, maaaring sampahan ng reklamo ang kapitbahay mo dahil sa pagkakalat niya ng tsismis na ikaw ay may COVID-19 kahit pa sabihin na sa panahon ngayon ay hindi na nakakagulat at karaniwan na ang makarinig na may nagpositibo sa nasabing sakit.
Masasabi pa rin kasing oral defamation o slander ang pagkakalat ng tsismis na ginawa ng iyong kapitbahay. Ang oral defamation, ayon sa Korte Suprema sa kasong Villanueva v. People (G.R. No. 160351, April 10, 2006), ay tumutukoy sa pagbigkas ng mga mapanirang-puri na mga salita na mapaminsala sa reputasyon o hanapbuhay ng isang tao. Ito ay ang pagbibintang ng krimen, bisyo, o depekto katulad ng pagkakaroon ng sakit, mapatotoo man ito o hindi, na nagdudulot ng pagkasira ng puri ng sinasabihan nito sa pamamagitan ng pananalita.
Ang pagkakalat na may COVID-19 ang isang tao, kahit pa marami na naman ang nahawa sa nasabing sakit, ay maari pa ring magdulot ng pinsala sa pinatutungkulan ng tsismis. Totoo man o hindi, maari pa rin itong maging dahilan ng diskriminasyon sa kanilang komunidad at makaaapekto sa kanyang trabaho.
Kailangan ko lang idiin na ibang usapan ang pagpapatunay ng isang kaso sa pagsasampa nito. Bagama’t may dahilan ka nga para magsampa ng reklamo, kailangan mo pa rin ng sapat na pruweba upang patunayan na ang inirereklamo mo ang nagpakalat nga ng tsismis na ikaw ay may COVID-19.
Dahil sa pamamagitan lamang ng pananalita ikinalat ng paninira, aasa ka lang sa testimonya ng iba kaya bago ka magpasya sa pagsasampa ng kaso ay siguraduhin mo munang may witness sa ginawang pagtsitsismis sa iyo at papayag silang tumestigo laban sa nagpakalat ng tsismis." - https://www.affordablecebu.com/