Plano ko po bumili ng lupa bilang investment. Ano po ba ang mga paraan upang masigurado ko na hindi ako maloloko ng bibilhan ko?
Art
Dear Art,
Unang-una ay tanungin mo kung titulado na ang lupa at kung kanino nakapangalan ito. Kung may titulo na ay siguraduhin mo na ang mismong nakapangalan sa titulo ang kausap mo ukol sa gagawin mong pagbili.
I-tsek mo rin ang kalidad ng papel na ginamit sa titulo. Kadalasan kasi ay parang kartolina ang kalidad ng materyal na ginamit ng mga palsipikadong titulo.
Kahit hindi peke ang titulo ay tingnan mo rin ang mga nakasulat sa dokumento. Minsan kasi ay hindi ito “malinis” at may nakasulat na tinatawag na annotations. Nakasaad sa mga annotations na ito ang mga “liability” ng lupa kaya kapag nabili mo na ang ari-arian ay ikaw na ang mananagot sa mga ito kapag ikaw na ang may-ari.
Kung wala namang titulo ay tanungin mo kung may tax declaration ba ang lupa. Bagama’t hindi sapat na pruweba ang tax declaration para mapatunayan ang pagmamay-ari sa lupa, makikita mo pa rin doon kung sino ang nagbabayad ng amelyar o real property tax, na indikasyon pa rin kung sino ang nagmamay-ari nito. Malalaman mo rin kung binabayaran ba ang amelyar dahil kung hindi ay baka kailangang isama mo ito sa kuwentahan ng magiging presyo ng lupa.
Kailangan mo ring siguraduhin na tugma ang sukat ng lupang binibili mo ayon sa mga dokumento at sa kung ano talaga ang pisikal na sukat nito. Maganda kung makahingi ka ng permit sa may-ari at saka ka kumuha ng geodetic engineer na susukat sa lupa alinsunod sa technical description sa titulo.
Sana’y nasagot ko ang iyong katanungan. Paalala lamang sa mga mambabasa na ang nakasaad dito ay base lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon." - https://www.affordablecebu.com/