May binili po akong lupa sa probinsiya at noong 2017 pa ay nagkapirmahan po kami ng seller ng deed of absolute sale na agad ko namang pinanotaryo. Dahil nasa ibang bansa po ako nitong mga nakaraang taon ay hindi ko kaagad naasikaso ang lupa kaya ngayon ko lang nalaman na patuloy pa ring inookupa ng pinagbilhan ko ang lupang binili ko na sa kanya. Ngayong pinapaalis ko na siya ay itinanggi niya ang aming naging bentahan. Ano po ba ang maari kong gawin? — Romy
Dear Romy,
Kailangan mo munang magpadala ng demand letter na nagpapaalis sa umookupa sa lupa mo. Kung sakaling hindi pa rin matinag ang pinadalhan mo ng sulat ay maari ka nang magsampa ng civil case – mamimili ka kung specific performance kung saan hinihiling mo sa korte na utusan nang i-deliver sa iyo ang lupa alinsunod sa deed of absolute sale, o ejectment kung saan hinihiling mo naman sa korte na paalisin na ang umookupa sa lupang pag-aari mo.
Dahil wala pa namang isang taon nang matuklasan mo ang hindi makatwirang pag-okupa sa lupa mo ay maari ka pang magsampa ng ejectment suit laban sa nag-ookupa sa lupa. Dahil isang summary proceeding ay mas mabilis din ang magiging pagdinig sa kaso. Malakas din ang ebidensiya mo partikular na ang notaryadong deed of sale na pinirmahan n’yo ng seller.
Ayon kasi sa Korte Suprema sa kaso ng Lozano vs Fernandez (GR 212979, 18 February 2019), may “presumption of regularity” o pagpapalagay na nasa ayos lahat ang isang dokumento kung ito ay notaryado at maari lamang mabaliktad ang presumption o palagay na ito kung makakapagpakita ang kumukuwestiyon dito ng klaro at kapani-paniwalang ebidensiya.
Kung tanging pagtanggi lamang sa naging bentahan ninyo ang magiging depensa ng pinagbilhan mo ay malamang na ikaw ang kakatigan ng korte kung sakaling magsampa ka ng kaso." - https://www.affordablecebu.com/