Na-scam po ako at gusto ko pong magsampa ng criminal case. Naloko po ako sa pamamagitan ng mga tumalbog na tseke. Maari ko rin ba siyang sampahan ng estafa bukod sa BP 22? May nakapagsabi po kasi sa akin na madalang na raw na may nakukulong sa BP22 kaya gusto ko sanang magsampa rin ng estafa. Maari po bang sabay o kailangang mamili ako sa dalawa? —Nikki
Dear Nikki,
Maari kang magsampa ng BP 22 at estafa ng sabay. Ang hindi pinapayagan sa ilalim ng batas ay ang pagsasampa ng magkakahiwalay na kaso na maaring mauwi sa double jeopardy.
Hindi naman magreresulta sa double jeopardy ang pagsasampa ng BP 22 at estafa ng sabay dahil ayon sa kaso ng People v. Reyes (G.R. Nos. 101127-31, November 18, 1993, 228 SCRA 13), magkaiba ang elemento ng ng estafa at BP 22.
Ang BP 22 kasi ay krimen ukol sa pag-iisyu ng tumalbog na tseke samantalang ang estafa naman ay krimen ukol sa panggagantso, na maaring gawin sa iba’t ibang paraan, kabilang na ang pag-iisyu ng tumalbog na tseke.
Sa madaling sabi, puwede ang pagsasampa ng BP 22 at estafa ng sabay dahil magkaibang krimen naman ang dalawa. Dahil magkaibang krimen naman sila, walang double jeopardy kahit pa ang mga alegasyon na ilahad mo sa dalawang reklamo ay magkapareho lang.
Ang ipinagbabawal ay ang pagsasampa ng kaso ng ikawalang beses para sa iisang krimen lang. Halimbawa, inisyuhan ka ng tumalbog na tseke at nagsampa ka ng BP 22 case. Kung sakaling na-dismiss ang kaso o napawalang-sala ang akusado ay hindi ka na maaring magsampa ng pangalawang BP 22 na kaso laban sa kanya base sa kaparehong tseke na naging paksa na ng naunang BP 22 na kaso." - https://www.affordablecebu.com/