Ako po ay nawalan ng trabaho dahil sa pandemya kaya nangutang ako at ang ginamit kong collateral ay mga post-dated checks. Makukulong ba ako kapag hindi ko sila nabayaran on time? Hindi naman po malalaki ang mga halaga ng mga tseke ngunit nag-aalala po ako na ako ay makulong lalo na’t wala pong kasiguraduhan ang aking kita sa ngayon. Kung sakaling sampahan po ako ng kaso, kulong po ba kaagad ako? May pagkakataon pa po ba para ako makiusap sa pinagkakautangan ko? —Dennis
Dear Dennis,
Oo, maari kang makulong dahil sa mga inisyu mong post-dated na tseke kung hindi mo mapondohan ang mga ito. Bagama’t wala namang nakukulong dahil sa utang, maari pa ring makulong ang nag-isyu ng tumalbog na tseke dahil sa paglabag sa Batas Pambansa Bilang 22 o BP 22 at dahil sa paglabag sa Revised Penal Code, partikular na sa mga probisyon nito patungkol sa estafa.
Hindi ka naman makukulong kaagad kung sakaling sampahan ka ng kaso dahil maraming proseso pa ang pagdadaanan ng isang kriminal na reklamo bago humantong sa punto na mag-iisyu na ng warrant of arrest ang husgado. Dadaan pa ito sa piskal na magdedetermina kung may sapat bang ebidensiya para sa reklamo; kung para sa piskal ay sapat ang ebidensya, siya ang magsasampa nito sa husgado.
Depende sa kaso, maari ka nang maisyuhan ng warrant of arrest kapag naisampa na ng piskal ang reklamo sa husgado ngunit bago litisin ang kaso ay tiyak na dadaan muna ito sa tinatawag na court-annexed mediation, mapa-estafa man o BP 22 ang reklamo sa iyo.
Isinasagawa ang court annexed mediation sa pinakamalapit na Philippine Mediation Center sa korte kung saan nakasampa ang kaso. Haharap ang nagreklamo at ang akusado sa isang mediator na accredited ng Supreme Court para sa posibilidad na maareglo ang kaso at hindi na ito tumuloy pa sa paglilitis. Sa court-annexed mediation ka maaring makiusap sa pinagkakautangan mo na iurong ang kaso at mangangako ka naman na babayaran mo sa lalong madaling panahon ang halaga ng mga tumalbog na tsekeng inisyu mo.
Tandaan lang na sa huli ay kailangang magkasundo ang parehong panig upang maareglo ang kaso. Kung walang pagkakasundo na mabuo sa pagitan ng nagreklamo at ng akusado, tatapusin ang court-annexed mediation at tuluyan nang lilitisin ang kaso." - https://www.affordablecebu.com/