Kailangan ko pa bang padalhan ng demand letter ang may utang sa akin bago ako makapagsampa ng kaso? Hindi ba dapat alam na niya na kailangan niyang bayaran ang utang niya sa nakatakdang petsa katulad ng napagkasunduan namin at hindi ko na siya kailangan pang singilin sa pamamagitan ng sulat? —Nerilyn
Dear Nerilyn,
Kailangan ang pagpapadala ng demand letter sa may utang sa iyo kung may balak kang magsampa ng kaso ukol dito, mapa-civil case man o criminal.
Importante ang demand letter sa mga civil cases dahil nakasaad sa Article 1169 ng Civil Code na kailangang magbigay ng demand ang isang creditor bago masabing kailangan ng magbayad ng nagkakautang sa kanya puwera na lamang kung napagkasunduan nila sa kontrata na hindi na kailangan ng anumang paniningil upang masabing kailangan nang bayaran ang utang.
Ibig sabihin, kung walang demand letter ay hindi maipagpapalagay sa ilalim ng batas na hindi tumutupad sa kanyang obligasyon na magbayad ang isang nagkakautang. Dahil hindi pa naman kailangang magbayad habang wala pang demand letter, maaring ma-dismiss ang isang civil case para sa paniningil ng utang dulot ng kakulangan ng cause of action o kakulangan ng dahilan para magsampa ng kaso. Sa madaling sabi, nais ng batas na pormal na maningil muna ang isang nagpautang at saka lamang siya dumulog sa korte sakaling balewalain pa rin ito ng may utang sa kanya.
Mahalaga rin ang demand letter para sa mga criminal cases, partikular na sa BP 22 at estafa kung saan isa ang pagbibigay ng demand sa akusado sa mga elemento ng mga nabanggit na krimen.
Base sa mga nabanggit ay hindi mo dapat kaligtaan ang pagpapadala ng demand letter sa may utang sa iyo kung may balak kang magsampa ng kaso dahil baka mabasura lamang ang demanda mo dahil sa kawalan nito." - https://www.affordablecebu.com/