Nire-renovate po ang bahay namin ngayon at may nakapagsabing kailangan daw ay kumuha ako ng building permit. Kailangan po ba talaga ng building permit kahit kaunti lang naman ang ipinagagawa ko sa karpintero? --Andy
Dear Andy,
Ayon sa Implementing Rules and Regulations ng PD 1096 o National Building Code, hindi kailangang kumuha ng building permit sa mga sumusunod na minor na konstruksyon at pagkukumpuni:
Mga minor na konstruksyon:
1. Pagtatayo ng mga minor na istraktura katulad ng sheds, outhouses, greenhouses, children’s playhouses, poultry houses na hindi hihigit sa 6.00 sq. meters ang kabuuang lawak. Kaila-ngan din na ito ay lubos na nakahiwalay sa anumang istraktura at para lamang sa pribadong gamit ng may-ari.
2. Pagdadagdag ng open terraces o patios na nakalapat sa lupa at hindi hihigit ng 20.00 sq. meters ang lawak at kung ito ay para lamang sa pribadong gamit ng may-ari.
3. Paglalagay ng window grilles.
4. Pagtatayo ng garden pools para sa mga halamang namumuhay sa tubig o aquarium fish na hindi hihigit sa 500 millimeters ang lalim at kung ito ay gagamitin lang ng pribado ng may-ari.
5. Pader para sa garden na hindi party wall at hindi hihigit sa 1.20 meters ang taas. Kabilang na rin dito ang footpaths, residential garden walks o driveways.
Mga minor na pagkukumpuni:
1. Pagkukumpuni na hindi nakaaapekto sa structural member ng gusali, katulad ng pagpapalit ng lumang roofing sheets o tiles, gutters, downspouts, fascias, ceilings and/or sidings.
2. Pagkukumpuni o pagpapalit ng non load-bearing partition walls.
3. Pagkukumpuni o pagpapalit ng interior portion ng isang bahay basta walang idadagdag o babaguhin sa istraktura nito.
4. Pagkukumpuni o pagpapalit ng mga pinto at bintana..
5. Pagkukumpuni o pagpapalit ng flooring.
6. Pagkukumpuni o pagpapalit ng perimeter fence and walls.
7. Pagkukumpuni o pagpapalit ng mga tubo, kabilang na ang gripo, lababo, urinals, bidets at toilet bowls.
Hindi mo nabanggit kung ano ba ang nire-renovate sa bahay mo ngunit kung ang ipinapagawa mo ay ilan sa mga nabanggit ay hindi mo na kailangang kumuha ng building permit.
Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad na legal advice dito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon. Mas mainam pa rin na kayo ay personal na kumunsulta sa isang abogado para sa inyong mga problemang legal." - https://www.affordablecebu.com/