Nagtatrabaho po ako sa ibang bansa pero uuwi po ako sa Pilipinas ngayong taon at nasa dalawang buwan po ang magiging bakasyon ko. Gusto ko po sanang makipaghiwalay na sa aking asawa kaya tanong ko lang po kung may mapapala ba ako sa pagsasampa ng annulment kung two months lang naman ang ilalagi ko dito sa Pilipinas at wala pong kasiguraduhan kung kailan ako babalik? —Rina
Dear Rina,
Katulad ng ibang mga kaso, matagal ang itinatakbo ng mga annulment cases. Baka ang dalawang buwan na ilalagi mo rito ay sapat lang sa pakikipag-usap sa abogado, pagkalap ng ebidensiya, at sa paggawa at pag-file ng mismong petition para masimulan na ang proseso ng pagpapa-annul o pagpapawalang-bisa ng iyong kasal.
Kapag na-file na ang petition sa korte, kakailanganin mong humarap ng ilang beses sa husgado, kabilang na para sa tinatawag na pre-trial at para sa pag-upo mo sa witness stand upang ibigay ang iyong salaysay na susuporta sa hiling mong mapa-walang bisa na ang iyong kasal.
Sa dami ng mga nakabinbin na kaso sa ating mga korte ngayon, higit sa dalawang buwan ang aabutin ng mga prosesong nabanggit ko. Mahirap sabihin kung gaano katagal ang kaila-ngan mong ilagi rito dahil depende yan sa dami ng kaso na nasa schedule ng korte pero sigurado na higit pa sa dalawang buwan ang kailangan mong ilaan kung gusto mo talagang magsampa ng annulment.
Masasayang lang kasi ang oras at pera mo kung magsasampa ka ng annulment case pero madi-dismiss o mababasura lang ito dahil hindi ka nakakadalo sa mga hearing na kailangan ang presensiya mo." - https://www.affordablecebu.com/