Ang computer ang siyang pinakatalamak na gamit ngayon lalung-lalo na sa mga kabataan, sapagkat ito'y naglalaman ng halos lahat ng impormasyon na kailangan natin sa pamamagitan ng internet. Ang gawaing ito ay higit na mabilis kaysa magbuklat pa ng libro. Kaya lang kapag ika'y nalulong dito, nakatitiyak tayong may mga bagay na masakripisyo at maaaring hindi na mabigyan pansin gaya halimbawa sa panahong dapat sana'y ginamit sa sariling kagalingan at sa sariling kalusugan.
Ika nga, "Kabataan ang pag-asa ng bayan". Pero nasaan ang pag-asa kung mismo ang mga kabataan ay unti-unting naaadik sa isang gadyet? Paano na ang kinabukasan ng lahat? Huli na ba ang lahat para tayo'y magbago?
Dati-rati simple ang ating pamumuhay kaya natutong makibagay ang bawat tao. Sa mga mag-aaral, tuwing may pananaliksik na gagawin ay gumagamit lamang ng mga aklat na nasa silid-aklatan at iba pang babasahin. Naging kontento lang sa ganitong gawain kahit makalumang sistema sa pagkuha ng impormasyon. Anupa't sa ganitong paraan ay natutong mapalalim ang kaisipan ng mga kabataan at malayo pa sa tukso na siyang magsisilbing hadling upang magbago ang imahinasyon ng mga kabataan.
Lumipas ang maraming taon, unti-unting umiinog ang daigdig. Nabuksan ang puso't isipan ng mga tao sa makabagong imbensyon dulot ng agham at teknolohiya, isa na rito ang computer. Maraming kabataan ang nalulong sa paggamit nito, kay mas madalas ay puro laro na lamang ang inaatupag kaysa sa pag-aaral. Humahantong ang mga kabataan sa pagkalulong sa computer at mas pinili ang mag-cutting classes o lumiban sa klase. Bukod sa mga laro, ang internet ay may mga site na nakakasira sa mata at pag-iisip ng mga bata, sapagkat marami rin ditong mga panoorin na masyadong mahalay na nagiging dahilan para ang mga kabataan ay maagang na-expose ng maseselang gawain na nagiging dahilan rin sa maagang pagpasan ng responsibilidad bilang magulang.
Ang pagkakaroon ng ganitong gadyet ay hindi naman masama kung gagamitin ito sa tamang paraan. Pakaisipin nating mabuti ang idinudulot nito. Nawa'y mabigyang linaw ang isipan ng mga kabataan kung paano gamitin sa tamang panahon at oras ang ganitong klaseng teknolohiya. Nakababahala nga ito, kaya dapat na gabayan ng mga magulang ang pagyakap ng mga kabataan sa computer. Sikaping mapatnubayan ang mga kabataan sa paggamit nito. Manahan ang pagpapairal ng istriktong pagpapatnubay upang madisiplina ang mga kabataan. Dahil may kasabihang, "Ang kahoy na liko at baluktot, hutukin habang malambot, sapagkat kung lumaki at tumayog mahirap na ang paghutok."
Gayunpaman, bukod sa matamang pagdidisiplina ng mga kabataan ay dapat matutunan nila na ang kaalamang panteknolohiya ay may malaking impluwensiya sa pagtuklas ng solusyon upang maresulba ang mga hidwaan at hinaing ng mga kabataan. Sikaping mangibabaw ang temang, "Campus Journalists: Championing Ethics in Social Media," na magsisilbing daan para maimulat ng mga kabataan ang totoong tunguhin o layunin ng computer sa pagtuklas ng kaalaman o impormasyon upang maisakatuparan ang tunay na diwa ng pagkakaisa.
- https://www.affordablecebu.com/