Home » Articles » Literature

Talambuhay by Louie Jon A. Sanchez

"Talambuhay", a poem written by Louie Jon A. Sanchez who won a prestigious award "Makata ng Taon 2011" during the celebration of the "Francisco Balagtas Day" on April 2, 2011. This is the third time Louie won as the "Makata ng Taon" in the Philippines.

Picture of Louie Jon A. Sanchez

TALAMBAHAY


—Lacson Ancestral House, Talisay City, Negros Occidental

I. C. 1900

Higit kang marikit sa gabi, Mutyang Tahanan,
Supling ng puti ng itlog at pinong semento.
Sa gabi ng baile, binuksan ang iyong mga pinto
Para sa mga aristokrata ng mabunying bayan.
Nakamatyag kami sa likod ng mga tubo, saksi
Sa prusisyon ng mga haciendero’t imbitado.
Binabati nila ang hermana’t maaari’y humahanga
Sa engradeng pasinaya ng iyong yumi’t kariktan.
Nakalulugod kang masdan sa saliw ng tugtog
At banyagang halakhak, ikaw na sinta ng mata
Sa gitna ng nakamulatang paggapas sa matatayog
Na usbong ng tubo. Tubo, tubo, tubo—
Ito ang aming buhay bago ka umahon sa lupa.
Ilang sako kaya ng tamis ang mahimalang nalikha
Ng mga lipaking kamay at walang ano-ano’y
Sumilang ka sa aming abot-tanaw, wari’y linlang
Sa nakamihasnang pagkupkop sa kahirapan?
Ito ang aming naging magulang, kapatid, katipan.
Wala itong tahanan’t pinagtitiis kaming mamaluktot
Sa maigsing kumot, yakap ang mga palahaw.

Sumasabay sa balse ang sayaw ng talim ng dahon;
Maaari’y isang dalaga ng Senyor ang bumubulong
Ng pakiwari sa kapareha, habang abaláng-abalá
Ang Senyora sa pagbati sa dumarating na bisita.
Mula sa aming kinalalagyan, nagkakasiya kami
Sa ano mang naigagawad mong sandaling aliw
Sa karukhaan—sa mga pagkakataong makasilip
Sa makinang na bintanang kuwadro ng pangarap
Ng mga kasamáng dasal ang laging mabuting ani
At mabuting-loob ng may-ari ng mga handog.
May sarili silang mundo ngayon, silang kupkop
Ng iyong pananakop. Pinupuri nila ang maybahay—
Haplos ng mangha ang muwebles at kasangkapan.
Maaari kayang lihim ding sinisiyasat ng kanilang
Inggit ang nakaligtaang pilas, bitak, o tuklap
Na hindi ganap na naikubli, kahit pagningningin?
Maaaring sa likod ng kanilang ngiti’y nakakubli
Ang nasang wasakin ang bahay, nakawan ng anyo
Ang iyong alindog. Parang hindi namin alam—
May tainga ang lupa’t may pakpak ang balita.

Ipinagmamalaki ka ritong unang Tahanang
Hindi papagupo sa bagyo, lindol, delubyo.
Ganyan ang iyong paninindigan, tulad ng litanya
Ng mga apelyidong sumumpang magtatanggol
Sa bayang ito mula sa kolonya. Nakakintal
Ang pakikisangkot sa lupain ng kasaysayan.
Al 5 de Noviembre. Estado Federal de Ysla de Negros.
Sandali lamang ang pagdiriwang. Hindi maglalao’y
Darating ang bagong mananakop. Tanggap nila.
Tuloy ang ginhawa. Tuluyan kaya silang nakalimot
Sa gitna ng pagtitipon at pananahan sa kinang?
Anong halaga ng gunita sa kanilang nagkakamal
Ng ikabubuhay para sa kanilang mga salinlahi?
Magpapapalit-palit ang itinataas na watawat
Ay mananatili kami sa likod ng tubo, hinaharaya
Lamang marating ang daigdig na maharlika—
Nagsisilbi kami sa kanilang ang silbi’y patahanin
Ang aming pagbibigay-saysay sa mga bagay;
Pinapalamutian nila ng dayaw ang salaysay
Ng kanilang pakikidigma’t kabayanihan.

Batid mo bang muog ka ng kanilang pagpupunyagi?
Sa tanda ng kalansing ng kubyertos, tatagayan nila
Ang iyong natatanging pag-iral bilang testamento
Sa hawak na gahum. Ang mga daan sa gabing ito’y
Naglalandas patungo sa iyong hagdan at saksi rito
Ang sumasalubong na kerubin, mapagbiro sa tuktok
Ng makilapsaw na puwente. Naririto ang lahat—
Sumasamba sa kabaguhang inilulunsad ng bikas
Ng disenyo’t tatag ng konstruksyon. Talinghaga ka
Ng kanilang mga talinghaga. Hindi lamang patunay
Ng pag-ibig ng Senyor sa Minamahal, bagkus
Isang patotoo rin sa panahong laganap ang wika
Ng kasaganaan, habang nangangapal sa kalyo at sugat
Ang aming palad sa paggapas sa sagradong pananim.
Natutuhan namin itong bigkasin at nagkaugat ito
Sa aming malay—wari’y sumpang damo sa lupain
Ng aming pagsilang at kamatayan. Hindi mapuksa.
Binigkas ka sa pusod ng tubuha’t umahong balarila
Ng aming lunggati. Ikaw ang unang nagpangalan
Sa aming lubhang kawalan at pagkakasantabi.

Minamalas ka sa iyong kinang ay sagimsim
Ang kumukubkob sa amin; bakit may damang
Badya sa paanan ng iyong banal na kagandahan?
Naglalambong ang pusikit na luksa at matapos
Kang tunghan, sa pagbalik namin sa sariling
Dampa, tila muli mo kaming hahatiran ng baling
Tulad ng madalas at muli’y mapapasuntok kami
Sa aming dibdib, batid ang pag-ibig sa halina
Ng iyong pag-iral. Isang bawal na pag-ibig
Na kahit ikumpisal ay hindi mapapatawad.
Wala kaming magawa—nakapiit sa iyong haligi
Ang aming kalinangan. Hindi kailanman maaari
Kahit ng aming matang busog na saksi sa dakila.
Kumakalam ang sikmura. Ang pagkakatindig mo
Sa aming sanlibuta’y sagisag ng aming mga adhika;
Ikapapagod namin ang maghapong pagyuko’y
Walang mapapala: ang bugtong na biro ng tadhana.
Kailangan naming mamulat upang ika’y talikdan.
Kailangang pag-anyuing santelmo ang aming
Mga mata. Kailangang matutong usigin ang ganda.

II. 1942

Kami ang tagapagdala ng kasawian at pagliliyab.
Halos tatlong araw nang nilalamon ng apoy
Ang kabahayan ngunit animo’y itinatatwa
Ng kabuuan ang pagkawasak. Hindi matanggap
Ng mga dingding at sahig, maging ng mga poste’t
Biga ang lumbay ng palad na malustay sa abo.
Patawad, Tahanan, at kailangang gawin ito.
Tiyak na magkakabahid ang iyong inmakuladang
Pag-iral; sasakupin ka ng bugtong na kaaway,
Sasalaulaing tulad ng mga babaeng parausan,
Dinagit mula sa mga anak, asawa, magulang.
Luksa ang madlang mawawaglit mula sa iyo
Sa pag-ugong ng sirena’t eroplano; lumilisan
Silang nagbabalik-tingin sa kariktang
Naging kahulugan ng bawat pag-aasam.
Kaming naiwang saksi sa makailang-ulit
Na pagpapaligo sa iyo ng langis at gasolina
Ay saklot ng panlulumo, magkakaugat na tubo
Habang nagagayuma sa hiwaga ng lagablab.
Hindi namin maipook ang aming pananangis.

Minalas naming lahat ang nalantad na dalisay
Sa badyang pagliliwanag ng mga hawak na sulo.
Mga gabi ito ng sindak at kahit mapanganib,
Hinahatiran ka namin ng huling malas, bago
Managpang ang apoy at ganap na makapaglibot
Sa ulilang bulwagan, pasilyo, kuwarto.
Ibinababa ng mga kasamá ang dila ng apoy
Ay unti-unti’y sumilay ang lumalaking
Katawan ng silab, sumisilip sa mga bintana’t
Arko, inuuyam ang lahat ng likhang infierno.
O, kaming taksil na hukbo ng iyong pagkawasak,
Anong pagpapatawad ang makapaghuhugas
Sa aming mga sala? Ang tatlong araw ng sunog
Ay sumpang pag-uusig ng panahon, nakatitigatig
Na parang pagliliyab ng banal na puno sa ilang.
Sapagkat sagradong lupain ang kinatatayuan
Nitong ngayo’y nilalamon ng nagbabagang halimaw.
Dito idinilig ang dugo at pawis ng daang kasamá
Bago umusbong ang rangya’t tikas ng Tahanan.
Kasaysayan ng bahay ang kasaysayan ng bayan.

Ang mahiwagang salaysay hinggil sa lupa’y
Maghuhunos na katatakutan ng kabataan.
Paniniwalaang pugad ng ligaw na kaluluwa
Ang mga labí ng iyong matikas na balangkas,
Tahanan ng babaeng nakalutang sa hangin,
Nakakuwadrong aparisyon sa dambuhalang
Bukanang pintuan. Ipagpapaliban ang pagdaan
Sa paligid sa hora de peligro, o kung babatingaw
Ang Angelus sa Parokya. Malaong maglalaho
Ang pagiging sinta, kahit ang mga mata rito’y
Mangingibig mong lahat, mga lihim na taksil
Sa kanilang kapayakan. Biyaya kang umusbong
Sa pusod ng mga kumakaway na lungtiang talim
Na naghihintay sa tamang panahon ng paggapas;
Libog ng tigmak na pag-asa’t guni-huni ng marami,
Antala ka sa araw-araw na kadustaan ng dampa.
At matapos, paririkitan kang tila tuyot na tubo,
Sinalat sa tamis at sustansiya ng mga gilingan?
Ang bigat matanggap. Ngunit ito ang itinakda.
Walang ibang dapat makinabang sa iyong lawas.

Mula ngayon, tiyak na tatalikdan ang sagwa
Ng bawat intrikadong sayaw ng kabibe sa kisame,
Ang bawat kolumnang mabikas na nagtitindig
Sa dingding na nagkanlong sa matamis na kuwento
Ng mga senyorita, sa pagkukubli ng mga senyorito
Mula sa singhal ng ama. Magiging panggatong
Ang makikintab na sahig, ang muwebles na seda,
Ang matandang relong umuugong sa takdang pitlag.
Walang matitira! Kahit ang aranyang kumukutitap,
Ang mahabang mesa, ang mga plato’t kubiyertos
Na hindi nakakikilala sa lamig ng tutong at pesa
Ay didilaan ng silab. Ito wari ang panata namin
Habang lalong kumakalat ang apoy na gawad
Ng mga sulo. Walang-puknat ang pagliliyab—
Badya ng paparating na mga sayaw ng alipato’t
Walang-awang panloloob. Nahan ang sayawan?
Ang magagarang kasuotan, ang walang-tigil
Na pagdiriwang? Hindi na sila magbabalik.
Hindi na maibabalik. Walang malalabing himig
Kundi orkestra ng kuliglig at apoy na lumalagitik.

Sa huli, mapaparam ang liyab, lalamunin ka ng sukal.
Tatamnang muli ang lupain, sisibol ang mga tubo
At mananatili kang saksi sa iba pang paparating
Na paglubog at pag-ahon. Walang makapipiho.
Kung magtatanong ka hinggil sa pagsisisi’y hindi
Kami magsisinungaling; ano bang sala ng Tahanang
Naghandog lamang naman ng masisilungan?
Na naging huntahan ng karangyaan? Sumusunod
Lamang naman kami. Hanggang sa kahuli-huliha’y
Wala sa amin ang pasya. Tungkuling dapat tupdin.
Sa pagtatanod namin sa lagablab, Mahal na Bahay
Ng siphayo, patuloy na mananahan sa iyo ang tangi
Naming pananampalataya na iyong ipinagugunita
Sa tuwing kami’y sasamba sa iyong hindi maabot
Na santuwaryo. Hindi kami magbaba ng luksa.
Sa aming paglayo, ang iyong apoy ang liwanag.
Gagabayan kami nito habang kinakaibigan
Ang dawag at gubat; magsusuot kami sa sukal.
Hanggang muling sumilay ang araw sa iyong terasa,
Hahanapin namin ang aming sarili’t makikidigma.

III. Kontemporanyong Panahon

Nagmumulto ang lungkot saan man bumaling.
Narito ang pangakong pagbabalik, ngunit nahan ka?
Naghunos na ang paligid—naroroong kumakaway
Ang mga tubo’y nakabalatay na ahas ang kalsada,
Kabesadong ginagapang ang lupain sa walang-awang
Tag-araw. Sa wakas, hindi na namin kailangang
Magkubli. Hindi na ipinagbabawal ang aming uri
Sa bakuran, at maaari nang aruguin ang mga labí;
Naakyat na ang hagdan, nasasalat ang entresuwelo.
Naabo talaga ang sahig. Sumusungaw ang talahib
Sa nalantad na lupa. May kilalang tibok ang bawat
Hakbang at namamalas kang muli sa balintataw—
Tahanang kahit aming pinananahanan sa malayo
Ay katiyakan sa pag-iral ng primal na unibersong
Ang inog ay binhi ng tubo’t giniling na muskubado.
Ito ba’y paghihimagsik mo sa aming karupukan?
Ngayon, kapiling ang iyong mga labí, dama namin
Ang lamig ng iyong rabaw; may pagbabantulot kami
Sa pagpapatianod sa patuloy na daloy ng daigdig
O mapapakong ganap sa iyong kupasing rekwerdo.

Ano ang aming babalingan? Kapag inakyat namin
Ang iyong gasgas na hagdan, wala nang maluluwag
Na silid na madaratnan; tanging gunita ng ikalawang
Palapag na hindi naman kami dadalhin sa matitibay
Na dingding na narra o imahen ng pintang ninais
Makita. Tagus-tagusan ang natitirang kuwadro
Ng balangkas na nagpapamalas ng wala na roon.
Mapapaupo na lamang kami sa matatamong lula
Habang tinatangka ang pagbaitang sa mga hakbang.
Sa gawing kaliwa, ang kusina; sa kanan, ang sala;
Tinatawid ng nakaangat na de-ladrilyong sahig
Ang kalagitnaan ng bahay, pangunahing daan.
Papaano kaya nilakaran ng mga imbitado noon
Ang landas na ito? Inusisa kaya nila ang disenyo
Sa bawat poste? O nagtuluy-tuloy lamang matapos
Pagbuksan ng pinto? Kahit ang pinto’y nakalimot
Sa kaniyang katungkulan; nilisan ka rin upang
Maging walang-lakas at tanggulan. Natutuklasan
Namin ang iyong ringal sa unang pagkakataon
Ay napupuspos ka sa sukdulang rupok at bulok.

Hindi ka namin mamukhaan, tulad ng anghel
Sa puwente, waring hindi nakaalpas sa gumapang
Na amorseko sa kaniyang pakpak. Nawaglit
Ang dating paghanga sa tubigang nalalatagan
Ng lumot. At dahil nga bala-balangkas na lamang
Ang iyong nilalaman, may kahirapan na rin
Ang tawirin ang iyong terasa. Nalimot na kaya
Ng mga dating tumatanaw roon ang magha-
Maghapong pag-aabang sa paglubog ng araw
At likot ng dagitab, habang tumatama ang liwanag
Sa mamamahingang mga alon? Nalimot na kaya
Ang taginting ng tubong nagsasaginto, ang huni
Ng asukarera, ang tamis ng tsa sa tasa, ang kinis
Ng tumba-tumba, ang halimuyak ng ilang-ilang
Na hindi man ipinaputol ay kusa nang sumuko
Sa pagkalagas? Tinalikdan ka na nila marahil
Tulad ng pagtalikod sa yamang handog ng asukal.
Papaano ka ba namin susuyuin, Tahanang Mahal?
Papaano kang mabubuhay ngayong ang saysay
Ng gunita ay maging tanda lamang ng nagdaan?

Bibigkasin ko sa iyo ang kasaysayang karugtong
Ng iyong pagkasunog—maringal na namuhay
Ang maharlika, at nagtayo pa ng mga bahay
Na iwinangis sa iyo. Kung hindi nga lamang
Biglaang iginupo ng panahon ng karamdaman
Ang kanilang pamumuhay; nawalan ng halaga
Ang kinang ng tamis at laksa-laksa ang hikahos
Na sumugod sa labí ng mga hacienda sa pagbabaka-
Sakaling may mabubungkal pa sa sinalat na lupa.
Tumakas na ang mga panginoon. Hindi na bumalik.
Ngunit naririto pa rin silang nakamatyag sa amin,
Silang tinatanaw-tanaw kami sa iyong terasa,
Inuuri ang aming inaambag sa kamalig ng yaman.
Tinakasan nila ang bayang ito habang marahang
Lumilisan ang nalalabing búhay ng magtutubo.
Hanggang pumitlag ang kamalayan at unti-unting
Nagliwanag ang noo’y nalalagot na: bumangon
Ang mga kasamá, pinatatag ang angking bilang
At nagkaisang lakarin ang mga landas pabalik
Sa lupa upang ito’y ganap na mapasakamay.

Ngunit patunay ka sa hindi ganap na matanggap—
Hindi ito magaganap. Kahit sa iyong kahungkagan,
Anino ka ng kasaysayan at nananatiling espektro
Ng alindog na iwinawaksi samantalang sinasamba.
Hindi kami nagkamali sa pagbasa ng mga badya.
Lubha ang silab sa mga gabi ng panununog ngunit
Mabini mo itong ininda. Birtud mo ang pananatili
At walang makapupuksa sa iyong anyo kailanman.
Kami ang lumikha sa iyo, at kami rin ang hukom
Ng iyong pagkawasak. Ngayo’y ang loob namin
Ang naaagnas gayong balangkas lamang ang salat.
Sa malay, tumutugtog pa rin ang dating orkestra
At bumabalik kami sa aming lugar sa likod ng tubo.
Ito ba ang ganti sa aming paglipol sa iyong halina?
Mabuti pa yatang ibinulid namin ang aming sarili
Sa iyong dagat-dagatang apoy. Naririto kami,
Abang saksi sa bawat kasumpa-sumpang kadustaang
Kaugnay ng iyong pag-iral. Ibahagi man sa amin
Ang lupa, walang makikinabang; sakmal ito ng sumpa.
Palad yata naming manatiling alipin sa iyong sumpa.

IV. Memorare, Sa Lahat ng Tahanan

O Mahal na Tayutay ng aming pananahan,
Hayaan mong bigkasin namin ang mga patotoo
At kasaysayan ng iyong pag-iral. Ikaw na tanod
Ng aming bawat pamamahinga at pagbangon,
Ng aming bawat pagbubukas at pagsasara
Ng tarangkahan, ikaw na bugtong na nagluwal
Sa aming lahat: pangunahing sintang magulang
Na nagpasuso sa aming mga unang pangarap,
At siyang may mapag-arugang kamay sa tuwing
Uuwi kaming sugatan; papaano kami nakaligta
Sa iyong kabutihan? Sa tuwing sisilip kami
Sa susian ng seradura, hinahayaan mong buksan
Ng aming mga mata ang mga bagay na namamahay
Sa iyong ligtas na kalooban; matapos, patutuluyin
Mo kaming tila habambuhay na mga musmos,
Tatakbo nang tatakbo sa iyong mga pasilyo—
Kipkip ang pakikipagsapalaran mula sa labas
At kung ano mang putik na sumama sa aming
Mga sapin sa paa. Hindi mo kami kagagalitan
Bagkus pagtanggap ang igagawad nang maalwan.

Sa tuwing babalik kami sa iyo, aming tahanan,
Nakapagtatakang gayon pa rin ang pakiramdam—
Lumulukso ang dating kabataan at namamalas
Na muli ang pagtahan sa lahat ng nakamamangha
At masiglang pag-iral nito: ang malaking bintana
Na nakaharap sa hardin, ang nakalululang hagdan
Na tinatanaw namin ang taas at siyang unang aral
Hinggil sa maingat na pag-akyat, ang matandang
Relo na humuhuni sa hatinggabi, ang pasikot-
Sikot na mga landas patungong kusina, komedor,
At labasan na nagtatagpong lahat sa aming sala.
Ito ang lunang naisaulo’t naisapuso, bagaman
Nakakaligta. Naroroon naman ang mga larawan
Sa dating pook, sumasalubong na mga kuwadro
Ng ngiti’t pagdiriwang. Kupasin man o bago,
Nakatanaw silang kinupit sa kanilang mga sandali,
Ipinamamalas ang lumipas at dala ang damdamin
Na patuloy na inaabot ang aming kasalukuyang
Madalas ay manhid sa pagdama at iwinawaksi
Ang ano mang pagbaling ng lantay na gunita.

Tumutugtog pa rin ang relo at napapasilip kami
Sa bintana—naroroon pa rin ang musmos na tákot,
Inaantabayanan ang ano mang maaaring lumitaw.
Pinakukubli mo kami sa iyong mga lumang sulok—
Sa likod ng hagdan, sa loob ng aparador, sa ilalim
Ng mesang naging tanghalan ng bawat agahan
Tanghalian at hapunan. Kailan nga ba ang huling
Pagnamnam? Marami na kaming nakalimutan.
Sa aming alaala, ang sindak sa pagbagsak ng pinto,
Ang gabi-gabing sumbatang sumigid sa dingding,
Ang minsang pagkahulog sa hagdang kahit kailan
Ay hindi namin naging kaibigan. Maginhawa pang
Higit ang munting puwang sa dispensa kung saan
Namamaluktot kami sa taguan, o sa loob ng banga
Na madalas balingan lalo’t wala nang tutunghan.
Pilit naming sinasalat sa iyong mga dingding
Ang ano mang natitirang ligaya mula sa panahong
Ikaw ang aming naging tanggulan. Papaanong
Sa aming kaibutura’y nagpatuloy na manahan
Ang munti na saklot ng matandang pangamba?

Sa aming paglalakad sa mga landas na binagtas,
Sa paglibot ng aming malay sa mga nakamulatang
Panig, muli mong inihahandog ang kabesadong
Mga dako’t lunang dati-rati’y aming binabalikan—
Muling umaahon ang mga marka ng pananakop,
Muling sumisikdo ang buháy na kabatiran sa bawat
Kayarian, sukat, puwang. Saan nga ba ang bahay-
Bahayan? Saan ba minsang pinatindig ang hukbo
Ng mga sundalong plastik upang maipagtanggol
Ang kunwa’y kuta? Saan ba sandaling ikinubli
Ang pusang pinarusahan nang miryendahin nito
Ang isda sa akwaryum? Muli’y aming natatandaan
Ang sinilip na hurnuhan at binuksang kalan,
Ang ilang binuhat na bangkito, maabot lamang
Ang itinabing garapon ng biskwit o pútol ng tablea.
Ano pa ba ang nakita namin sa mga dakong iyon
Kundi mga pook ng bawat waglit na kamusmusan—
Doon sa mga lunang dinadalaw kami ng ligaya’t
Bigla’y pinaaakyat ng hagdan, pinatutungo sa silid
Upang akyatin ang mga higaan upang magtatalon.

Talon kami nang talon sa mistulang tagumpay
Pagdatal sa taluktok na iyon ng bawat pahingahan.
Matapos, hihiga kami, dadamhin ang sapong lambot
Ng aming mga kamay, ang ginhawa ng kumot
At unan na gabi-gabi’y aming laging kanlungan.
Dito, sa mga silid na ito muli mong ipinadarama
Ang kaligtasang aming lagi nang inaapuhap—
Kaligtasang hindi namin nakikilala sapagkat
Dito lamang nananahan sa iyong dakong banal.
Salamat sa pagpapahinuha na isa itong anyo
Ng pagtupad sa takda: kailangang lisanin namin
Ang iyong lunan upang balikan, matapos lakbayin
Ang bawat dako ng katauhan. Sa iyong piling,
Mananatili kaming mga supling na laging hikbi
Ang daing sa gabi. Kailangan naming magkabuto’t
Tubuan ng sariling matitibay na balangkas, tulad
Ng sa iyo. Kailangan naming lakbayin ang loob
Na parang isang tahanang may lihim na lawak.
May pagdiriwang sa sumasabog na halimuyak;
Ganito ang pagbabalik ng mga alibughang anak.

Ang bahay na tinutukoy ay ang mansiyong itinayo noong c. 1900 ni Don Mariano Lacson sa Hacienda Matab-ang, ngayo’y bayan ng Talisay, Negros Occidental. Dinadalaw na madalas ng mga turista sa kasalukuyan, kilala ito sa angking ganda at matibay na pagkakatindig, siyang kauna-unahan sa bayang iyon. Sinunog ito ng mga gerilya noong panahon ng Hapon upang hindi mapakinabangan ng Hukbong Imperyal.

This poem is copied with author's permission from http://louiejonsanchez.com
Do not copy, reproduce or redistribute this poem in any media without Louie Jon A. Sanchez consent.
- https://www.affordablecebu.com/
 

Please support us in writing articles like this by sharing this post

Share this post to your Facebook, Twitter, Blog, or any social media site. In this way, we will be motivated to write articles you like.

--- NOTICE ---
If you want to use this article or any of the content of this website, please credit our website (www.affordablecebu.com) and mention the source link (URL) of the content, images, videos or other media of our website.

"Talambuhay by Louie Jon A. Sanchez" was written by Mary under the Literature category. It has been read 3895 times and generated 1 comments. The article was created on and updated on 24 March 2011.
Total comments : 1
Jnytro [Entry]

atorvastatin 80mg oral <a href="https://lipiws.top/">cost atorvastatin</a> generic lipitor 80mg