May nakaaway po akong kapitbahay nito lamang isang buwan at simula noon ay paulit-ulit na ang pagbabanta niya ng pagsasampa ng kaso laban sa akin. Maari ko ba siyang ireklamo para sa walang tigil na pagbabanta niya sa akin ng demanda?-- Ram
Dear Ram,
Pinarurusahan sa ilalim ng Revised Penal Code ang tatlong klase ng pagbabanta. Kung ang banta ay ang paggawa ng isang krimen katulad ng pagpatay, pananakit, o paninira ng ari-arian ay matatawag itong grave threat na pinaparusahan sa ilalim ng Article 282 ng Revised Penal Code. Kung hindi naman isang krimen ang banta ngunit ito ay nakakapagdulot pa rin ng pagkabahala sa iba ay matatawag naman itong light threat.
Pinarurusahan din ito ng pagkakakulong sa ilalim ng Article 283 ng Revised Penal Code. Laging may kasamang kondisyon ang mga light threats katulad ng paghingi ng pera o pabor na siyang hinihinging kapalit para sa hindi pagtuloy sa banta. Ang ikatlong klase ng pagbabanta na pinaparusahan sa Revised Penal Code ay ang Other Light Threats sa ilalim ng Article 285 na hindi kailangang may kondisyon at ang banta ay hindi rin paggawa ng isang krimen.
Malinaw sa kaso mo na ang banta sa iyo na sasampahan ka ng kaso ay hindi grave threat o light threat sa ilalim ng Articles 282 at Article 283 ng Revised Penal Code dahil hindi naman isang krimen ang pagsasampa ng kaso at wala namang kaakibat na kondisyon ang bantang ito sa iyo.
Hindi rin masasabing nasa ilalim ng Other Light Threats sa Article 285 ang banta sa iyo dahil hindi naman pamemerwisyo ang banta sa iyong pagsasampa ng kaso. Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Auyong Hian v. Court of Tax Appeals (G.R. No. L-28782, 12 September 1974), isang karapatan ang pagsasampa ng reklamo at walang sinuman ang maaring maperwisyo sa paggamit ng mga karapatang ipinagkaloob sa atin sa ilalim ng batas.
Kung sakaling sampahan ka nga ng kaso at kitang-kita sa mga naging pagdinig na wala itong basehan at isinampa lamang ito upang ikaw ay guluhin ay maari mo naman siyang sampahan ng kasong malicious prosecution sa ilalim ng Revised Penal Code." - https://www.affordablecebu.com/