Matagal na po akong namamasukang messenger sa isang kompanya. Kamakailan ay bigla na lang po akong tinanggal sa trabaho. Balak ko po sana magsampa ng kasong illegal dismissal pero wala naman po akong maipapakitang employment contract o ID man lang bilang patunay na naging empleyado ako ng kompanya. May mapapala po ba ako kung sakaling magsampa ng kaso?— Danny
Dear Danny,
Hindi naman ibig sabihin na kapag walang nakasulat na employment contract ay hindi ka na kaagad empleyado. Alinsunod sa Article 280 ng Labor Code, upang mapatunayan na ikaw ay empleyado ng pinagtatrabahuhan, kailangan mong ipakita na ang kompanyang nagtanggal sa iyo ay: (1) may kapangyarihan sa pagpili ng kung sino ang mamamasukan sa kanila; (2) siyang nagbabayad ng sahod mo; (3) may kapangyarihang magtanggal ng mga nagtatrabaho para sa kanila; at (4) siyang may kontrol sa mga gawain ng namamasukan sa kanila.
Kung mapapatunayan mo ang mga ito, masasabing empleyado ka ng kompanyang pinapasukan mo dahil may employer-employee relationship sa pagitan ninyo.
Bukod dito, kailangan mo ring maipakita na ang trabahong ginagawa mo para sa iyong kompanya ay kailangan o kanais-nais para sa kanilang negosyo. Ito ay para maipakita mong isa kang regular na empleyado at hindi casual employee lamang.
Kung mapatunayan mo ang mga ito, malinaw na isa kang regular empleyado ng kompanyang nagtanggal sa iyo at hindi na mahalaga na wala kang maipakikitang company ID o nakasulat na employment contract. Bilang regular na empleyado ay hindi ka maaring tanggalin ng basta-basta at kailangang maipakita ng employer na sumunod sila sa proseso sa pagsisante sa iyo dahil kung hindi ay malinaw na illegal dismissal ang kanilang ginawa." - https://www.affordablecebu.com/