Ano po ba ang gagawin ko sa umutang sa akin na ayaw magbayad dahil wala naman daw naging kasulatan ang kasunduan namin ukol sa hiniram niyang halaga?--Beng
Dear Beng,
Bukod sa iilang klase ng kontrata kagaya ng bentahan ng lupa, hindi naman kailangang nakasulat palagi ang isang kontrata upang magkaroon ng bisa ito. Ang mahalaga ay nagkaroon ng tinatawag na “meeting of the minds” o pagkakaunawaan ang mga partido sa kontrata upang magkabisa ito at magsilbing batas sa pagitan nila.
Sa kaso mo ay sapat na ang nagkasundo kayo na pahihiramin mo ang umutang sa iyo at ibabalik naman niya ang nasabing halaga pagkatapos. Hindi maaring itanggi ng umutang sa iyo ang bisa ng kasunduang ito dahil lamang sa hindi ito nakasulat lalo na’t natupad mo na ang obligasyon mo sa kontrata na pahiramin siya ng halaga, kaya kailangan naman niyang tuparin ang obligasyon niyang magbayad.
Mas maganda lang na nakasulat ang isang kasunduan dahil kung sakaling magkademandahan ang mga partido nito ay pangunahing ebidensya ang nakasulat na kontrata kaya magiging madali ang pagpapatunay sa mga obligasyon ng isa’t isa.
Gayunpaman, sa kaso mo ay maari mo pa rin naman patunayan ang inyong kasunduan sa pamamagitan ng iyong salaysay at iba pang dokumento katulad ng resibo ng pagtanggap ng umutang sa iyo ng halagang hiniram niya.
Tandaan lang na kailangan mo munang padalhan ng demand letter ang umutang sa iyo bago ka magsampa ng kaso para na rin mabigyan siya ng huling pagkakataong magbayad at para na rin mabigyan ang korte ng basehan kung kailan dapat magsimulang gumulong ang interes." - https://www.affordablecebu.com/