Dahil gipit ay napilitan po akong humiram ng pera sa isang kilalang nagpapautang sa aming lugar. Ngayon ay hinuhulugan ko naman po ng regular ang aking utang ngunit nakiusap ako sa nagpautang sa akin kung maari bang ibaba ang interest dahil kung hindi ay baka hindi na po ako makapaghulog sa susunod. Hindi po pumayag ang inutangan ko dahil nakatakda na raw sa kontrata namin ang interest at hindi na raw ito maaring mabago. Wala na po ba talagang paraan para mapababa ang interest sa utang kung sakaling masyadong mataas ito? -- John
Dear John,
Nakasaad sa ating Civil Code na ang isang kontrata ay magsisilbing batas sa mga partido nito.
Dahil dito, kailangan nilang sundin ang mga napagkasunduan nila na nakapaloob sa nasabing kontrata. Hindi rin basta-basta maaring talikuran at baguhin ang mga ito, kahit pa ng mga korte, bukod na lang kung magkaroon sila ng bagong kasunduan.
Ibig sabihin nito, may obligasyon ka na tuparin ang nakasaad sa kontrata niyo ng nagpautang sa iyo, kabilang na ang pagbabayad ng interest.
Ukol naman sa pagpapababa ng interest ay posibleng pabababain ito ng korte kung sakaling humantong sa isang kaso ang isyu at makita ng hukuman na masyado ngang mataas ang interest rate na ipinataw sa iyo. Hindi mo nabanggit kung gaano kataas ang interest sa inutang mo pero sa kaso ng Louh Jr. and Louh vs BPI (March 8, 2017, GR 225562 ay pinababa ng Korte Suprema ang 36% na interest rate dahil sobra-sobra nang pagpapatubo ito kaya labag na ito sa moralidad at sa batas.
Kaya kung ganyan ang interest rate sa utang mo o higit pa ay may tsansa na kampihan ka ng korte at pabababain ito, sakaling humantong sa demandahan ang idinulog mong isyu." - https://www.affordablecebu.com/